Barangay Ginebra babangon sa Game 2

Laro Ngayon
(Quezon Convention Center, Lucena City)
6:30 p.m. San Miguel Beer vs Barangay Ginebra

PILIT na babangon ang Barangay Ginebra sa nalasap na masaklap na kabiguan kontra San Miguel Beer sa Game Two ng 2017 PBA Philippine Cup best-of-seven Finals na darayo ngayon sa Quezon Convention Center sa Lucena City, Quezon Province.

Ito ay matapos durugin ng mga Beermen ang Gin Kings sa Game One, 109-82, sa harap ng 14,026 na nanood noong Biyernes ng gabi sa Mall of Asia Arena.

“Everything seems not in place,” sabi ni Gin Kings coach Tim Cone hinggil sa inilaro ng koponan na malayo sa inaasam dito na never-say-die spirit.

Tanging kinapitan ng Gin Kings ang 2-0 abante sa umpisa ng laro bago mistulang usok na unti-unting naglaho sa kabuuan ng laro na sinamantala ng Beermen upang itala ang ilang beses na pagkapit sa 36 puntos na abante na ang huli ay sa 85-49 iskor may 3:52 pa sa ikatlong yugto.

“I really didn’t expect this kind of game, but my players, talagang nanlilisik mga mata nila,” sabi ni San Miguel Beer coach Leo Austria na nagulat mismo sa resulta ng unang laro sa inaasahan nitong magiging dikitan na laban.

Umaasa naman si Austria na muling ipapamalas ng Beermen ang puso ng isang kampeon sa pagnanais na masungkit ang ika-23 korona ng prangkisa at ikatlong sunod na titulo sa all-Filipino conference. Ikaapat na korona naman ang personal na adhikain ni Austria.

Hindi naman bago na ang Gin Kings ay mapag-iwanan sa kampeonato at kung may dapat asahan ayon kay pro league statistician head Fidel Mangonon III ay nangyari sa huling tatlong nakalipas na
Finals ng kumperensiya na ito na ang Game One winner ang nabibigo sa korona.

Mula naman sa nakaraang season kung saan sa race-to-four wins ay tatlo sa Game One winner ang nakaupo sa trono na ang dalawa ay nagawang masungkit ng Beermen.

Pilit din buburahin ng Gin Kings ang 60-39 iskor na most lopsided half sa Finals opener sapul na tambakan ng Alaska ang San Miguel Beer sa 2013 Commissioner’s Cup, 46-24, tungo sa pag-sweep ng Aces sa Beermen, 3-0.

Asam din ni Cone na tabunan ang worst finals defeat nito sa paghawak sa Barangay Ginebra.  Ang pinakamasaklap na pagkatalo ni Cone ay ang 107-79 kabiguang nalasap nito habang hawak pa ang Aces noon kontra Gordon’s Gin sa 1997 Commissioner’s Cup.

Read more...