NANGUNA ang Australian rider na si Sean Whitfield sa dikiting sprint finish para magwagi sa inulan na second stage ng 8th Le Tour de Filipinas na nagtapos sa Naga City, Camarines Sur Linggo.
Tinalo ni Whitfield, na miyembro ng Oliver’s Real Food Racing, si Sanghong Park ng LX Cycling Team sa ratratan patungo sa finish line para makuha ang unang career stage victory.
Ang 21-anyos na sprint ace ay tumodo padyak sa huling bahagi ng ikalawang stage para magtapos sa tiyempong apat na oras, 19 minuto at 21 segundo matapos ang 177.35-kilometrong karera na nag-umpisa sa Sorsogon City.
Nagtapos din si Park sa parehong oras kasama ang pumangatlo na si Fernando Grijalba ng Kuwait Caruncho.Es at ang maliit na grupo ng riders na kinabibilangan ni overall yellow jersey holder Daniel Whitehouse ng Terrengganu Cycling Team.
Ang 22-anyos na climb specialist mula Manchester, England na si Whitehouse, na nagwagi sa opening stage na nagsimula sa Legazpi City at nagtapos sa Sorsogon, ay inaasahan naman na mapapanatili ang kapit sa overall lead papasok sa 177.35 kilometrong Stage 3 bukas.