STA. ROSA, Laguna – Isinukbit ni Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance ang ikaapat nitong lap victory matapos ungusan sa paspasan sa finish line si Ronnel Hualda ng Go fo Gold sa Stage Nine criterium ng 2017 Ronda Pilipinas na ginanap dito sa loob ng Paseo de Sta. Rosa.
Nagawang kumawala ng nagtatanggol na kampeon mula Calumpang, Marikina na si Morales at Hualda sa ikawalong ikot tungo na sa pagpapalitan ng trangko sa natitirang kalahati ng isang oras at dagdag na tatlong lap na yugto para itala ang parehas na tiyempo na isang oras, 5 minuto at 58 segundo.
Hinablot naman ni Lloyd Lucien Reynante ang ikatlong puwesto matapos pamunuan ang pulotong sa 1:06:26 oras kasunod ang kakampi sa Navy na sina Rudy Roque at Archie Cardana, Orlie Villanueva ng Go for Gold, Daniel Ven Carino at Ronald Lomotos ng Navy, Jaybop Pagnanawon ng Bike Xtreme at Cris Joven ng Kinetix Lab-Army.
Ang panalo ay ikaapat ng 31-anyos na si Morales na matatandaang napagwagian ang Stage Two, Three at Six na halos nagsemento na sa pagkapit nito sa simbolikong red overall leadership jersey at pagtatala sa kasaysayan bilang unang rider na nagawang magwagi ng dalawang sunod sa pinakamalaking karera sa bansa.
Nakolekta ni Morales ang kabuuang 30:00:58 oras sa overall classification kung saan nakataya ang premyong P1 milyon mula sa presentor na LBC at suportado rin ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.
Hawak ni Morales ang 2 minuto at 37 segundo na abante sa kakampi na sina Roque (30:03:35) at Lomotos (30:05:56). Nanatili sa ikaapat si Jonel Carcueva ng Go for Gold (30:06:45) habang ikalima si Joven ng Kinetix Lab-Army (30:06:50).
Ikaanim hanggang ika-10 sina Bryant Sepnio (30:08:54) at Elmer Navarro ng Go for Gold (30:08:41), Leomel Dimaano ng RC Cola-NCR (30:08:48), Ismael Grospe Jr. ng Go for Gold (30:10:46) at Jay Lampawog ng Navy (30:10:58).