Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. Star vs Barangay Ginebra
MAKUHA ang 3-2 lead ang habol ng Barangay Ginebra Gin Kings kontra Star Hotshots sa Game Five ng kanilang 2017 PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series ngayong alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakabangon buhat sa 2-0 pagkakaiwan ang Gin Kings matapos talunin ang Hotshots ng dalawang sunod na laro na ang huli ay sa Game Four, 93-86, noong Miyerkules ng gabi para itabla ang kanilang serye sa tig-2 panalo.
Batid naman ni Barangay Ginebra coach Tim Cone na naging maganda ang kanilang opensa sa kanilang panalo sa Game Four at nadepensahan nila ang mga pangunahing kamador ng Star kabilang na si Paul Lee na hindi nakaiskor ng double figures sa ikalawang sunod na laro.
“We got a lot of help from the other guys and that’s what we need to keep doing to win this series,” sabi ni Cone. “The other guys stepping up has taken a lot of load off of Japeth (Aguilar) and LA (Tenorio). The void is being filled by the other guys, and that’s huge for us.”
Kaya naman kailangang uminit muli ang opensa ng Star sa pangunguna ni Lee.
Sa 73-62 pagkatalo ng Star sa Game Three, ang 6-foot combo guard na si Lee ay nalimita sa pitong puntos matapos na pumasok sa laro na may average na 17.5 puntos at magsilbing bayani para sa Hotshots sa unang dalawang laro ng serye.
At matapos makaiskor ng siyam na puntos sa Game Four, mukhang nahirapan din si Lee na makawala sa pagbabantay ni Sol Mercado, na naging mahigpit ang depensa sa dating Rookie of the Year at nakakatulong din sa opensa ng Gin Kings.
“Paul Lee is a dynamic player, but Sol (Mercado) is a dynamic defender, too,” sabi pa ni Cone patungkol sa kanyang beteranong point guard. “Sol is one of the best one-on-one defenders in this league, and it is showing.”
Wala namang pagdududa na pinaboran ang Star papasok sa serye matapos nitong tambakan ang huling walong nakatunggali kabilang ang Phoenix Petroleum Fuel Masters, na tinalo nila sa average na halos 30 puntos sa quarterfinals.
Si Chito Victolero, na nasa kanyang unang kumperensiya bilang head coach ng Star at nahaharap sa malaking pagsubok para daigin ang all-time winningest bench tactician sa kasaysayan ng liga, ay inaming nawala sila sa pokus sa kanilang mga pagkatalo lalo na sa Game Four kung saan mas tumutok siya sa pakikipagtalo sa mga referee dahil sa mga ‘non-calls’ nito kaysa sa pagko-coach.