Morales wagi sa Stage 7 ng Ronda Pilipinas 2017

DAET, Camarines Norte – Isinukbit ni Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance ang ikatlo nitong lap victory matapos pangunahan ang maulan na 227 kilometrong Stage Seven ng 2017 Ronda Pilipinas na nagsimula sa Camarines Sur Watersports Park sa Pili, Camarines Sur at nagtapos dito sa harap ng Provincial Hall.

Naungusan ni Morales, na nagkampeon dito noong isang taon, sa  isang sprint finish ang karibal na si Cris Joven ng Kinetix Lab-Army, overall leader Rudy Roque ng Navy-Standard Insurance  at iba pang nakabilang sa 20-kataong lead group para manalo ang tiyempong anim na oras, siyam na minuto at apat na segundo.

Nagkasya sa ikalawang puwesto si Joven, na matatandaang tinalo si Morales sa isa pang sprint  finish sa Stage Four na ginanap sa Subic.

Pumangatlo si Elmer Navarro ng Go for Gold, ikaapat si Ryan Serapio ng Team Ilocos Sur, ikalima si Ronnilan Quita ng Army, ikaanim si Leonel Dimaano ng RC Cola NCR, Roque at nasa ikawalo si Jemico Brioso ng Team Ilocos Sur.

Nasa ikasiyam si Jonel Carcueva at ikasampu si Ismael Gorospe Jr. na kapwa mula sa Go for Gold na may 6:09:09 at 6:10:01 oras.

Napanatili ni Roque ang overall sa kabuuan nitong 24:21:52 oras kasunod si Ronald Lomotos na naiwan ng 2 minuto at 21 segundo. Ikatlo si Morales na napag-iwanan ng 2:60 minuto habang umakyat na sa ikaapat si Joven na 3:15 minutong napag-iiwanan para sa inaasam na overall red jersey.

Umangat sa ikalima si Navarro na 5:06 ang hahabulin sa overall leader kasunod si Dimaano na naiwanan sa ikaanim sa 5:13 minuto. Ikapito na si Gorospe Jr. (7:17) at ikawalo si Jonel Carcueva (7:49) habang ikasiyam si Ryan Serapio (9:37). Ikasampu ang dating nasa ikatlo na si Daniel Ven Carino (11:25).

Dalawang siklista naman ang hindi na nakatapos sa karera upang tuluyang maiwanan na lamang ang dating 91 kasali sa kabuuang 82 na lamang tungo sa Stage Eight.

Ang Stage Eight ay tatahakin naman ang kabuuang 185 kilometrong akyatin mula sa Daet, Camarines Sur tungo sa Unisan, Quezon.

Read more...