Plunder vs ex-Pagcor officials iniumang ng Kamara

house of rep

Ikinokonsidera ng liderato ng Kamara de Representantes ang paghahain ng plunder complaint laban sa mga dating opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corp., sa Office of the Ombudsman.
Kasabay nito ay sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na kasali pa rin ang plunder sa listahan ng mga maaaring parusahan ng kamatayan kapag naisabatas ang panukala.
“Baka puwede nating pag-aralan na puwede tayong maging complainant sa Ombudsman,” ani Alvarez. “Definitely plunder yun, ang laki ng halaga ng pera na nilustay nila, pera ng gobyerno.”
Sinabi ni Alvarez na mayroong mga nakitang anomalya sa pinasok na kasunduan ni dating PAGCOR chairman Cristino Naguiat at mga miyembro ng board at ang mga opisyal ng Office of the Government Corporate Counsel at ang casino developer na Vanderwood Management Corp.
Punto ni Alvarez mayroong direktiba ang Commission on Audit na itigil ang kasunduan dahil hindi umano ito sang-ayon sa Government Procurement law at lugi ang gobyerno sa kasunduan.
“Ano bang pumasok na mananap (insekto) sa utak nyo? At pumasok kayo sa ganitong lease agreement na dehado sa gobyerno. Binayaran nyo sila ng P234 million para sa hangin?” tanong ni Alvarez.
Noong Hulyo 2015 ay pumasok sa lease agreement ang Vanderwood at Pagcor. Binayaran ng Pagcor ang VMC ng P234 milyon para sa isang taong renta at anim na buwang security deposit.
Ayon kay Alvarez ang VMC ay isa lamang sub-lessee ng ari-arian na pinarerentahan nito at ang orihinal na may-ari ay ang Manila City government. Ang pinarentahan ay ang dating Army and Navy Club sa Roxas Boulevard.
Pinarentahan ng Manila government ang ari-arian sa Ocenaville Hotel and Spa Corp., na nagparenta naman ng bahagi nito sa VMC.

Read more...