Erik, Angeline may kanya-kanyang ka-date sa V-day

angeline quinto at erik santos
HINDI si Angeline Quinto ang ka-date ni Erik Santos sa Valentine’s Day dahil pareho silang may show sa magkahiwalay na venue.
Nasa Dagupan, Pangasinan si Angeline kasama sina Kyla, KZ Tandingan at Yeng Constantino para sa concert nilang “Divas Live in Dagupan” at malabo na ring mag-celebrate ang dalawa dahil paalis din ang singer-actress sa Peb. 16 para sa concert ulit ng grupo sa Los Angeles, California (Peb. 17); San Diego, California (Peb. 18) at San Franciso, California (Peb. 19).
Si Erik naman ay may concert din with Ogie Alcasid and Ai Ai delas Alas, ang “#HugotPlaylist” sa KIA Theater, Araneta Center, Cubao. Pagkatapos ng show ay buong pamilya ni Erik ang kasama niyang magse-celebrate ng Araw ng mga Puso.
Tinanong namin kung bakit sa maliit na venue sila magso-show nina Ogie at Ai Ai gayung napakarami nilang supporters at nagsanib puwersa pa silang tatlo?
“Wala na kaming makuhang malaking venue ate Reggee, puno lahat halos, lahat may show, buti nga nakuha pa namin ‘yung Kia. At saka pa soldout na kami kaya nakakatuwa,” kuwento ni Erik. Dagdag pa ng singer, “Partida wala pa kaming TV guestings n’yan.”
Silang tatlo raw nina Ogie at Pops Fernandez ang producer ng show minus Ai Ai, “Kinuha lang namin kasi si Ms. A, kaya hindi na siya kasama as producer,” ani Erik.
Anyway, ikinuwento ng binata na masaya at nakakatawa ang concert nila dahil sa bawa’t kanta raw ay may kuwento at may skit din sila, “Fun ‘yung show, kami-kami lang, walang guest. Pero may writer kami, si Paolo Bustamante,” sabi ng binatang singer. Posible rin daw dalhin ang show abroad pero kailangang ayusin muna ang schedule nila.
Oo nga, bisi-bisihan naman talaga si Erik dahil tatlo hanggang limang beses siyang napapanood bilang isa sa hurado ng Tawag Ng Tanghalan sa It’s Showtime at may ASAP naman siya pag Linggo. May mga corporate shows pa siya sa gabi kaya hindi siya puwedeng mawala pa ng matagal.
“Nakakatuwa nga ate Reggee kasi itong buong 2017 ko, ang dami ko nang gagawin, sa April 7 may show ako sa Theater Solaire all OPM songs,” sabi pa ng Cornerstone talent.
Tinanong namin si Erik kung wala na bang level-up pang mangyayari sa career niya as a singer at kung kuntento na siya minsan bilang concert producer.
“Well, kung mabibigyan ako ng pagkakataon na maging international singer, why not. Kasi ate Reggee ‘yung ganyan, it’s a matter of luck.
 Nag-audition naman ako noon sa London, e, hindi ako binalikan. Ha-hahaha!” natawang kuwento ng binata.
Dagdag pa, “Kasi as a singer ano pa ba ang puwede kong gawin, napuno ko na lahat halos ng malalaking venue tulad ng Araneta, MOA, Meralco, PICC. Ilan ang albums ko, may mga hit songs din naman, hanggang ngayon may themesongs pa (My Dear Hear at My Better Half). Kaya longevity na lang dapat dahil sa rami ng bagong singers ngayon, nandito pa ako after 15 years kaya sobra akong grateful sa ABS, Cornerstone at Star Magic kasi sobra pa rin nila akong pinagkakatiwalaan.”
Biglang naalala ni Erik, “Ay may level-up na pala, ako ang magdidirek ng sarili kong concert sa Solaire sa April 7 at ako rin ang susulat. Kaya ako na ang singer, ako pa writer at ako rin direktor.”
Tinawanan kami ng binata nang banggitin naming tatlo rin siguro ang talent fee niya, “Hindi ko na iniisip ‘yun, basta magawa ko ‘yung gusto ko.”
Nag-aral ba si Erik ng stage directing, “Hindi pa, pero gusto kong mag-aral. Na-discover ko na may mata pala ako sabi rin ng direktor namin sa We Love OPM. Kasi nagandahan siya sa mga konsepto ko. Kaya ita-try ko ‘yun (directing at writing) sa sarili kong concert sa Solaire, ‘Erik Santos Sings the Greatest OPM Classics’,” kuwento pa ni Erik.
Ito ang hinahanap kong level-up kay Erik as a singer, tulad ni Gary Valenciano na bukod sila ang performer, ay siya pa ang nagdidirek ng sariling show at minsan kasama ang anak na si Paolo Valenciano at siya na rin ang producer at sound engineer dahil metikuloso si Mr. Pure Energy sa sounds.

Read more...