Star Hotshots nakuha ang 2-0 semis lead

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
6:30 p.m. San Miguel Beer vs TNT KaTropa

NAHABLOT ng Star Hotshots ang 2-0 series lead matapos talunin ang Barangay Ginebra Gin Kings, 91-89, sa Game 2 ng kanilang 2017 PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series Sabado sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Pinamunuan ni Paul Lee ang Hotshots sa ginawang 17 puntos habang si Allein Maliksi ay nagdagdag ng 14 puntos. Nag-ambag naman sina Justin Melton at Marc Pingris ng 11 at 10 puntos para sa Star.

Gumawa si Kevin Ferrer ng 25 puntos para pangunahan ang Barangay Ginebra habang si Scottie Thompson ay kumana ng 17 puntos.

Nagtala naman si Japeth Aguilar ng 16 puntos para sa Gin Kings.

Samantala, mag-uunahan naman ang San Miguel Beermen at TNT KaTropa Texters sa pagkuha ng 2-1 lead sa Game 3 ng kanilang semifinals series ngayong alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Patuloy pa ring sasandalan ni Tropang Texters coach Nash Racela sina Jason Castro, Troy Rosario, Ranidel de Ocampo, Roger Pogoy at Mo Tautuaa.

Sasandigan naman ni Beermen coach Leo Austia sina June Mar Fajardo, Alex Cabagnot, Arwind Santos, Marcio Lassiter at Gabby Espinas.

Read more...