Sunshine, Teresa nagsanib-pwersa laban kay Cesar; Diego dumami pa ang kakampi

teresa loyzaga at sunshine cruz
“Hawak-kamay” ang theme song ngayon nina Sunshine Cruz at Teresa Loyzaga. Magkakawing ang kanilang mga braso ngayon laban kay Cesar Montano.
Dehado si Cesar sa paghahawak-kamay ng dalawang babae sa kanyang nakaraang buhay, sa halip na maglaban ang dalawa ay magkakampi pa ngayon, dahil pareho silang may something laban sa aktor na ama ng kanilang mga anak.
Sa unang sultada ay sunog na sunog si Diego Loyzaga sa mga inilabas nitong batikos at masasakit na salita kontra sa kanyang amang si Cesar Montano.
Pumasok agad sa argumento ang Ten Commandments na nagsasabing “Honor thy father and thy mother.” Maraming nagalit sa young actor, wala raw itong respeto sa kanyang ama, bakit daw kasi hindi na lang nito kinausap nang harap-harapan si Cesar at hindi ‘yung ganyan na sa social media nito inilalabas ang kanyang mga hinanakit?
Pero nang lumabas na ang mga kakampi ni Diego na nagsasabing punumpuno na kasi ang young actor kaya ganu’n ang nangyari, lalo na ang pagdidiin ni Diego na ipinagkaila ito ni Cesar bilang anak, ay nabalanse ang opinyon ng mga nakasilip lang sa kontrobersiya.
Unang-unang nagparating ng suporta kay Diego ang kanyang madrastang si Sunshine at ang tatlong kapatid nito sa ama. Naisip ng mga nakatanaw lang, mismong dugo rin ni Cesar ang tatlong batang babae, pero mas kumampi pa ang mga ito sa kanilang kapatid?
Binalasa ng publiko ang kuwento. Ang dami-daming nagpalutang ng kanilang opinyon na may mali talaga kay Cesar Montano bilang ama dahil hindi maglalakas ng loob ang isang anak na bastusin siya sa publiko kung karespe-respeto siya.
Aysus, napakarami pang kuwentong naglabasan na sumusuporta sa mga pagbatikos ni Diego, kaya nalagay sa mata ng bagyo si Cesar Montano.

Read more...