SA simula ng best-of-seven semifinal series sa pagitan ng Star at Barangay Ginebra ay halos dumaan sa butas ng karayom ang Hotshots bago napataob ang Gin Kings, 78-74, noong Huwebes para sa 1-0 abante.
Paduguan ang scoring sa pagitan ng dalawang koponan at marahil kung hindi maganda ang depensa ng Hotshots ay hindi sila magwawagi. Napuwersa lang nila sa kabuuang 24 turnovers ang Gin Kings at malaking bagay talaga iyon.
Iyon ang ikapitong sunod na panalo ng Star magbuhat pa noong elimination round. Buhat kasi sa 3-4 karta ay napanalunan ng Star ang huling apat na games ng elims para magtapos sa kartang 7-4 at makatabla sa ikalawang puwesto ang Alaska Milk.
Pero nakuha ng Aces ang No. 2 spot at twice-to-beat advantage sa quarterfinals bunga ng mas magandang quotient.
Well, hindi naman ininda ng Hotshots ang pagbagsak sa ikatlong puwesto dahil sa winalis nila ang Phoenix Fuel Masters sa quarterfinals. Sa kabilang dako ay nabalewala ang twice-to-beat advantage ng Alaska Milk dahil sa dalawang beses silang tinalo ng Barangay Ginebra na ngayon ay siyang katunggali ng Star.
Ang 78-74 panalo ng Hotshots sa Gin Kings ay taliwas na taliwas sa convincing na panalo nila sa huling anim na laro bago nag-umpisa ang semis. Kasi ang average winning margin na naitala ng Star sa anim na larong iyon ay 27 puntos.
Biruin mo iyon! Panay tambakan ang nangyari at nakakaantok nga ang laro dahil sa sobra ang galing ng Hotshots. Hindi na nila pinapoporma pa ang kalaban.
Pero iba talaga ang elims at quarterfinals kumpara sa semis. Ito na kasi ang huling hakbang tungo sa championship round kaya buhos na ang mga koponang naglalaro rito.
Kahit na nga wala ang malalaking manlalarong sina Gregory Slaughter at Joe Devance ay matindi pa rin ang naging performance ng Gin Kings. Idagdag pa rito ang pangyayaring hindi ginamit ni coach Tim Cone ang mga beteranong sina Mark Caguioa at JayJay Helterbrand pero dikit pa rin ang score.
So, maraming nagsasabing dahil sa nahirapan nga ang Star sa Game One ay malamang na mahirapan sila sa kabuuan ng serye at baka sa mga susunod na laro ay matapilok na sila.
Pero kung ang mga taga-Star naman ang tatanungin, lalung-lalo na si coach Chito Victolero, tiyak na sasabihin nilang maganda nga para sa kanila ang naging dikdikan ang Game One.
Mahirap kasi na panay tambakan ang mga laro. Walang natututunan ang koponang nananalo. Para bang iniisip ng mga miyembro ng koponang ito na madali lang palagi ang panalo. Kayang-kaya ang lahat.
Pero kapag dumaan sa dikdikang laro ang isang team lalong napapanday ang pundasyon nito. Lalong tumitibay dahil matututo silang mag-react sa mga matitinding sitwasyon. Natututo silang huwag intindihin ang mga fans. Natututo silang pagkatiwalaan ang kakampi nila at hindi sarilinin ang pakikibaka.
Iyon ang natutuhan ng Hotshots sa Game One. At iyon ang puwede nilang gamitin sa kabuan ng semifinals.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.