Arellano Lady Chiefs nais makaulit sa San Sebastian Lady Stags

 Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
12 p.m. Perpetual Help vs Lyceum (juniors)
3:30 p.m.  Arellano vs San Sebastian (women)

DALA ang momentum bunga ng pagkakapanalo nito sa unang laro, tatangkain ngayon ng Arellano University na makaulit sa llamadong San Sebastian College sa pagpapatuloy ng kanilang showdown para sa women’s volleyball championship ng NCAA Season 92.

Magsasagupa ang Lady Chiefs, na dumaan sa step-ladder semis para makarating sa Finals, at ang Lady Stags, na may thrice-to-beat incentive sa seryeng ito matapos na mawalis ang lahat ng laro sa elims, ganap na alas-3:30 ng hapon sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.

Noong isang taon ay winalis din ng San Sebastian ang elims at diretsong nakapasok sa Finals bitbit ang thrice-to-beat na bentahe. Pero ginulat sila sa Finals ng College of St. Benilde na nagwagi ng tatlong sunod.

Ito ang nais maduplika ng Arellano ngayon laban sa San Sebastian.

Noong Martes ay sinandalan ng Lady Chiefs ang matinding court coverage at blocking upang ipalasap sa San Sebastian ang una nitong kabiguan sa season na ito, 25-18, 25-20, 25-16.

Depensa uli ang sasandigan ng Lady Chiefs sa ikalawa nilang laro ngayon.

“Our game plan (for Game 2) is the same except we need to adjust to whatever adjustment they will make,” sabi ni Arellano coach Obet Javier.

Nilimitahan din ng Arellano ang back-to-back MVP na si Grethcel Soltones sa 15 hits lamang na mababa kumpara sa kanyang season average na 20 hits per game sa elims.

Disyamado naman si San Sebastian coach Roger Gorayeb sa ipinakita ng kanyang koponan sa Game One.

“We have to have the mindset to win the championship if we want to win one. We can’t win a championship if we play like the way we played in Game One,” sabi ni Gorayeb.

Sa juniors division, puntirya rin ng University of the Perpetual Help na masundan ang 25-21, 25-18, 25-22 panalo nito sa Game One sa muling pagsagupa nito sa Lyceum of the Philippines University umpisa alas-12 ng tanghali.

Tangan din ng Lyceum ang thrice-to-beat advantahe sa kanilang Finals series.

Read more...