Kinatigan ng husgado ang hiling ni Kris Aquino na hinding-hindi na siya maaari pang lapitan ngayon ng ama ng kanyang anak na si James Yap.
Kapag nasa paligid-ligid lang si Kris at nalaman ‘yun ng basketbolista ay ito ang dapat umiwas, ang ama ni Bimby ang dapat gumawa ng paraan para hindi sila magkaengkuwentro ng aktres-TV host, ‘yun ang nakasaad sa mga dokumentong legal na kalalabas pa lang mula sa husgado.
Pero sa hiling ni Kris na hindi na puwedeng malapitan ng kanilang anak na si Bimby si James, o ni James si Bimby, ay denied ang kanyang hinihingi sa korte.
Kunsabagay ay noon pa naman nagsasabi si James na wala na itong pakialam pa kay Kris.
May kani-kanyang buhay na sila ngayon at tanggap na tanggap na ng basketball player nang isandaang porsiyento ang kanilang sitwasyon.
Ang tanging gustong mangyari na lang ni James ay ang makita-makasama ang kanilang anak, ‘yun na lang ang inaasahang mangyari ng basketbolista, wala na itong keber kung magkita man sila ni Kris o hindi na habambuhay.
Salamat naman at nasilip ng husgado ang nararapat para sa mag-ama, lalo na para sa lumalaki nang si Bimby, ‘yun naman talaga ang ideyal na dapat mangyari sa mag-ama sa pagpapawalang-bisa sa kasal nina James at Kris.
‘Yun nga lang lumaki ang isang bata sa isang pamilyang magkahiwalay ang mag-asawa ay napakahirap na, ‘yun pa kayang lumaki ang anak na alam niya namang meron siyang tatay pero hindi man lang niya makita, dahil ipinagbabawal ‘yun ng kanyang ina?
Huwag naman. Mabuti naman at pinahalagahan ng husgado ang pagkakaroon ng isang normal na buhay ni Bimby.
Tama na ang mga kapritso. Ang kapakanan na lang ng bata ang kailangang bigyan ng pagpapahalaga sa ganitong sitwasyon.