LEBRON, HASLEM binuhat ang heat

Miami susubukang tapusin ang serye sa Game 6 sa Indiana

MIAMI — Nagsanib puwersa sina LeBron James at Udonis Haslem sa third period para ibigay sa Miami Heat ang 90-79 panalo at 3-2 kalamangan sa kanilang NBA Eastern Conference best-of-seven finals series.

Ikinalat ni James ang 16 sa kanyang 30 puntos sa naturang period kung saan 13 puntos lamang ang naiskor ng Indiana.

Ang 18 sa huling 21 puntos na ginawa ng Heat sa third period ay nagmula kina James at Haslem.

Si Haslem, na nagtapos na may 16 puntos kahapon, ay tumira ng 8-of-9 field goal shooting sa ikalawang pagkakataon sa serye.

Tumira rin ng ganito si Haslem sa Game Three kung saan nagwagi rin ang Miami, 114-96.

Taliwas naman ito sa ipinakita ng Heat sa first half kung saan ang Pacers ang nagdikta ng tiyempo ng laro.

Subalit pagkatapos ng halftime break ay dinomina na ni James ang laro.

Ang Pacers ay pinangunahan ni Paul George na may 27 puntos at 11 rebounds.

Nag-ambag naman ng 22 puntos si Roy Hibbert at 17 puntos si David West.

Subalit inalat sa laro ang backcourt ng Pacers at may pinagsamang limang puntos lamang sina George Hill, DJ Agustin at Lance Stephenson.

Sa Game Four kung saan nanalo ang Pacers, 99-92, ay gumawa ng 20 puntos si Stephenson at 19 puntos si Hill.

Ang Game Six ay lalaruin sa Indiana bukas.

Read more...