HETO na ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Pinayagan na ang pagtaas ng pamasahe sa pampasaherong jeepney at taxi.
Kahit pa sabihin na provisional lamang ang pagtaas habang inaalam pa kung magkano talaga ang dapat na itaas, masakit na ito sa bulsa ng mga ordinaryong empleyado na hindi naman tataas ang suweldo.
Marahil sasabihin ng ilan na piso lang naman ang itinaas. Kung isang beses ka lang siguro sasakay ng jeepney ay ok lang.
Ilang beses kang sasakay ng jeepney lalo na kung sa lugar mo ay maraming nagka-cutting trip. Yung sa halip na P10 ang pamasahe mo ay magiging P14 kasi magdadalawang sakay ka. Madalas pa naman itong mangyari kapag marami ang naghihintay na pasahero na halos markups na ang kalahati ng kalsada dahil sa dami ng gustong mauling makasakay.
Kung walang magagawa ang mga pasahero sa pagtaas ng pasahe, mayroon namang magagawa ang mga ahensya ng gobyerno upang hindi sila mapagsamantalahan ng mga abusadong driver.
Sana ay paghuhulihin nila ang mga tiwaling driver at hindi yung parang wala lang silang nakita kapag may nilabag na batas trapiko.
Bukod sa pagtaas ng pasahe ay asahan na rin ang pagtaas ng mga bilihin. Syempre tumataas ang kanilang gastos sa pagdadala ng produkto dahil sa pagataas ng gasolina at diesel.
Alangan namang solohin nila ang gastos, syempre ipapasa nila ito sa mga mamimili.
Hindi lamang pamasahe ang tumaas, umakyat na rin ang presyo ng liquefied petroleum gas.
At hindi ito ordinaryong pagtataas kundi big time. P58.30 ang itinaas ng LPG ng Petron sa bawat 11 kilong tangke.
Kung nagtitinda ka ng ulam, dagdag itong gastusin sa iyo at dalawa ang opsyon na maaari mong pagpilian. Una ay itaas ang presyo ng iyong paninda, at ikalawa ay bawasan mo ang dami ng isang order ng ulam.
Noong mga estudyante kami sa PUP, kapag walang pera ay nagtitiyaga kami sa libreng sabaw. Ngayon kaya magbibigay pa ang maraming sabaw para sa order mong isang kanin.
At pinag-uusapan din sa Kongreso ang pagpapalawak ng saklaw ng Value Added Tax upang lumaki ang kita ng gobyerno.
Isa sa tinitingnan ng gobyerno ay ang pagpapataw ng 12 porsyentong VAT sa remittance o pagpapadala ng pera.
At hindi lamang sa padala ng overseas Filipino workers, kundi maging yung mga dumaraan sa pera padala centers.
Ito yung mode na karaniwang ginagamit na paraan ng mga nagtatrabaho sa Maynila para may panggastos ang mga binubuhay nila na nasa probinsya.
Kung dollar ang ipinadala, syempre dollar din ang kaltas.
Asahan na ng mga kompanya na hihirit ng dagdag na suweldo ang mga empleyado.
Kung sakali man na tataas ang suweldo, ibig sabihin ay tataas ang gastos ng mga kompanya.
Syempre, itataas din nila ang presyo ng kanilang mga produkto.
Kaya umikot lang din, ang mga mamimili pa rin— kasama ang mga empleyado— ang tatamaan.