P13 kada araw na dagdag sahod sa Metro Cebu inaprubahan
CEBU CITY — INAPRUBAHAN ang P13 kada araw na karagdagang sahod sa mga empleyado ng pribadong sektor sa Metro Cebu.
Pinayagan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa Central Visayas (RTWPB-7) ang umento sa minimum na arawang sweldo para sa mga pribadong manggagawa sa Metro Cebu matapos ang isinagawang deliberasyon na nagsimula ganap na alas-9 ng umaga at natapos ganap na ala-1 ng hapon kahapon.
Sakaling ipatupad na ang umento, aabot na sa P366 kada araw ang minimum sa arawang sweldo sa Metro Cebu mula sa kasalukuyang P353.
Sinabi ng abogadong si Ernesto Carreon, RTWPB-7 labor representative, na magpupulong ang wage board susunod na linggo para magdesisyon kung isasama sa umento ang mga lugar sa Central Visayas, partikular sa Bohol, Siquijor at iba pang bahagi ng Cebu.
Idinagdag ni Carreon na idinahilan ng ilang miyembro na hindi dapat ibigay ang karagdagang sweldo sa ilang lugar kagaya ng Bohol, kung saan mas mataas ang tinatanggap ng mga empleyado kumpara sa mga manggagawa mula sa Butuan City at Cagayan de Oro City.
Ayon pa kay Carreon, napagkasunduan din nila na itaaas ang minimum na sweldo ng mga kasambahay sa P3,000 in Cebu City mula sa kasalukuyang P2,500.
Ibinasura rin ng wage board ang panukalang P100 kada araw na umento sa sahod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending