Isang hinihinalang kasapi ng New People’s Army (NPA) ang napatay nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang rebeldeng grupo sa Sta. Cruz, Occidental Mindoro, Linggo, ayon sa militar.
Narekober ang bangkay ng nasawing rebelde matapos ang sagupaan sa Sitio Kalibunlibunan, Brgy. Pinagturilan, sabi ni 1Lt. Xy-Zon Meneses
public affairs officer ng Army 2nd Division.
Nagpapatrolya ang mga elemento ng 76th Infantry Battalion nang makasagupa ang aabot sa 20 rebelde, na pinaniniwalaang umatake sa isang security detachment sa Nasugbu, Batangas, noong Enero 31, aniya.
Tumagal nang 30 minuto ang engkuwentro, at pagkatapos ay narekober ang bangkay ng nasawing rebelde, dalawang improvised explosive device, isang kalibre-.45 pistola, dalawang magazine ng M16A1 rifle, pares ng binoculars, apat na backpack, personal na gamit, at mga dokumento, ani Meneses.
Bago ang engkuwentro, isang katutubong kasapi ng NPA ang sumuko sa militar at inulat ang presensya ng mga rebelde, aniya.
Sumuko ang katutubo matapos wakasan ng NPA ang ceasefire nito, at inilunsad ang operasyon matapos ding wakasan ng gobyerno ang pinairal nitong tigil-putukan, ani Meneses.
MOST READ
LATEST STORIES