Nagpakalat ng karagdagang sundalo sa Lambunao, Iloilo, matapos tambangan ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) ang mga tropa ng pamahalaan sa isang hanging bridge doon, ayon sa militar.
Nagpadala ng karagdagang kawal ang 61st Infantry Battalion para tugisin ang mga rebelde, sabi ni Lt. Col. Ericson Rosana, acting public affairs chief ng Army 3rd Infantry Division.
Bago ito, nakasagupa ng isang platoon ng 61st IB ang aabot sa 14 rebelde sa Brgy. Cabatangan alas-12 ng tanghali Sabado.
Tinatawid ng mga kawal ang hanging bridge sa naturang barangay nang paputukan sila ng mga rebelde, ani Rosana.
Nagsasagawa ng combat operation ang mga kawal noon para beripikahin ang ulat na nagtanim ang mga rebelde ng improvised explosive device sa Cabatangan, aniya.
Umabot sa 20 minuto ang palitan ng putok, bago umatras ang mga rebelde patungo sa Sitio Dasuk.
Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa mga kawal, habang di pa mabatid kung may casualty sa mga rebelde, ani Rosana.
Naganap ang sagupaan isang araw lang matapos wakasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tigil-putukang pinairal ng pamahalaan, makaraang ihinto rin ng mga rebeldeng komunista ang sarili nilang ceasefire.
MOST READ
LATEST STORIES