PH lamang ng 2-1 vs Indonesia sa Davis Cup Asia/Oceania tie

WINALIS ng tambalan nina Francis Casey Alcantara at Treat Conrad Huey sa loob ng tatlong set sina Anthony Susanto at Sunu-Wahyu Trijati ng Indonesia, 6-2, 6-4, 6-4, upang ibigay sa Pilipinas ang 2-1 bentahe sa kanilang sagupaan sa 2017 Davis Cup Asia/Oceania Tie na ginanap sa Philippine Columbian Association (PCA) kahapon sa Paco, Maynila.

Kinailangan nina Alcantara at Huey ang kabuuang dalawang oras at 11 minuto kung saan nagtagal ang unang set sa 25 minuto, ang ikalawa ay 32 minuto at ang ikatlo na nagtagal ng 1 oras at 12 minuto sa tanging doubles match ng serye.

Kailangan na lamang ng Pilipinas ng isang panalo sa dalawang reverse singles ngayon para makausad sa semifinals.

Nagtala ng kabuuang 10 ace sina Alcantara at Huey na dalawa sa unang set at tig-apat sa ikalawa at ikatlong set habang nagkamit ng apat na double faults ang kalaban.

Ang mananalo sa PH-Indonesia match ay makakasagupa ang magwawagi sa labanan sa pagitan ng Thailand at Kuwait.

Sa reverse singles na gaganapin ngayon ay makakasagupa ni Ruben Gonzales si Susanto habang makakalaban naman ni Alberto Lim Jr. si Sasangko. Gayunman, posibleng magpalit ang mga koponan ng kanilang ilalaban sa huling sandali bago magsimula ang labanan ngayon.

Sa kanilang head-to-head match-up, lamang ang Indonesia sa Pilipinas, 6-4. Huling nagwagi ang Pilipinas kontra sa Indonesia noong 1999 tampok si Jopet Lizardo.

Nanalo ang Indons sa huling dalawang ties noong 2012 na ginanap sa Gelora Bung Karno Tennis Stadium sa Jakarta (3-2) at noong 2000 na idinaos naman sa Rizal Memorial Tennis Center (4-1). Huling nagwagi ang Pilipinas noon pang 1999 sa semifinals ng Group II, 4-1 sa larong ginanap sa Jakarta.

Naipaghiganti naman ng Filipino-American na si Gonzales ang pagkatalo ni Lim sa pagtakas ng 6-2, 6-2, 6-4 panalo kay Aditya Hari Sasongko sa ikalawang singles para buhayin ang kampanya ng Pilipinas sa pagtabla sa 1-1 laban kontra sa Indonesia sa PCA indoor clay-shell court.

Matamis na naibawi ni Gonzales ang kabiguan ng kakampi na si AJ Lim na nagpasyang magretiro kontra kay David Agung Susanto matapos ang mahigit na tatlong oras na laro sa mga iskor na 6-3, 6-2, 2-6, 1-6, 1-1 (retired).

Agad na umabante si Lim sa pagtala ng 2-0 set kalamangan subalit nakabalik sa porma ang Indonesian netter nang makuha nito ang laro at puwersahin sa unforcef errors si Lim upang maitabla ang laban sa 2-2.

Nagpasiya si Lim sa pagsisimula ng ikalimang set na itigil ang laro upang mabigyan ng atensiyong medikal dahil sa pananakit ng hita. Tuluyang nagdesisyon si Lim na huwag nang tapusin ang laro at ipaubaya kay Susanto ang panalo.

Read more...