Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 a.m. UP vs AdU (men)
10 a.m. NU vs UE (men)
2 p.m. UP vs ADU (women)
4 p.m. DLSU vs FEU (women)
MAINIT na sinimulan ng defending men’s champion Ateneo de Manila University ang kampanya sa ikatlong korona gayundin ang Lady Eagles na asam mabawi ang korona habang nagwagi rin ang men’s at women’s team ng National University sa pagsisimula ng UAAP Season 79 volleyball tournament Sabado sa Araneta Coliseum.
Una munang binigo ng NU Bulldogs ang University of the East Red Spikers sa loob ng tatlong set, 25-23, 25-10, 25-19, bago tinalo ng Ateneo ang nakatapat nito na University of Santo Tomas, 25-23, 25-14, 25-18.
Umahon naman ang NU Lady Bulldogs sa nalasap na kabiguan sa unang set bago itinakas ang apat na set na panalo sa UE Red Spikers, 18-25, 25-20, 25-23, 25-13, habang nagpakita ng lakas ang ADMU Lady Eagles sa pagbigo sa UST Golden Tigresses sa tatlong set, 25-20, 25-21, 25-22.
Sinandigan ng Lady Bulldogs si Jaja Santiago na nagtala ng kabuuang 21 puntos mula sa 14 spike, apat sa block at 3 service ace para sa unang panalo ng koponan. Nag-ambag si Jorelle Singh ng 12 puntos habang may tig-11 puntos si Risa Sato at Aiko Sweet Urdas.
Pinangunahan naman ni Jhoana Louisse Maraguinot ang Lady Eagles sa itinalang 15 puntos tampok ang 12 sa spikes habang nag-ambag si Michelle Morente ng siyam, may walo sa nagbabalik na si Kat Tolentino at pito mula kay Isabel De Leon.