DA who ang isang miyembro Gabinete na ngayon pa lamang ay hindi na mabilang sa daliri ang mga biyahe sa iba’t ibang bansa sa kabila ng wala pang isang taon ang kasalukuyang administrasyon?
Usap-usapan ngayon ang isang Secretary ng isang ahensiya dahil walang ginawa kundi magbiyahe sa iba’t ibang panig ng mundo na ang deklarasyon ay pawang “official business.”
Bukod kasi sa laging kasama sa mga presidential trips, hiwalay pa rito ang mga sariling foreign trips ng kalihim.
May ulat pa nga na ngayon pa lamang ay ubos na ang budget ng kanyang ahensiya ngayong 2017 dahil sa kakabiyahe ng tinaguriang Mr. Junket na kalihim.
Ayon sa ulat, ngayon pa lamang ay super tipid na ang ginagawa ng kanyang departamentong hawak dahil halos napunta na ang budget ng kanyang opisina sa kanyang mga overseas trips.
Kung ang mga presidential trips ay aabot na ng 10, nangangahulugan na lagpas na sa 10 ang biyahe ni Mr. Secretary.
Idinadahilan ni Mr. Junket na para makatulong sa kanyang trabaho ang ginagawang mga pagbisita sa kanyang mga counterpart na opisina sa iba’t ibang bansa.
Ngunit makalipas ang mahigit pitong buwan na nakaupo ang kasalukuyang administrasyon, wala pang nakikitang pagbabago sa kanyang opisina dahil nga walang ginawa ang Kalihim kundi mag-out-of-the country.
Ngayong taon ay mas malaki ang budget ang nakuha ng kanyang opisina dahil sa nakatakdang ASEAN Summit sa Pilipinas kayat lalong malakas ang loob ng Kalihim na gumasta ng gumasta.
Malakas si Mr. Secretary dahil sa ang backer niya ay kilalang sumuporta sa kampanya ng pangulo sa nagdaang eleksiyon.
Kontrobersiyal din ang Kalihim at kanyang opisina dahil puro kapalpakan ang ginagawa niya at ng kanyang mga opisyal.
Gusto nyo ng clue? Kamakailan ay laman ng balita ang Kalihim dahil sa ginawang pahayag.
Kilala rin ang Kalihim na nasa likod ng mga ginagawang operasyon laban sa mga kritiko ng administrasyon kung saan idinadaan sa social media ang pag-atake gamit ang sinasabing mga trolls at maging ang ilang mga blogger.
Hindi pa umaaksyon ang Commission on Audit (COA) sa ginagawang mga foreign trips ng Kalihim na inaasahang bago matapos ang anim na taon ay siya nang tatanghaling most traveled Cabinet official.
Balita rin na napakaraming kinuha ni Mr. Junket na mga consultant sa kanyang opisina na kanyang ginagamit ngayon para tumulong sa kanya sa mga batikos na kinakaharap.
Ang pinakahuli, plano ng kalihim na magsagawa ng renovation sa kanyang gusali na taliwas naman sa adbokasiya ng kanyang pinaglilingkurang pangulo na maglingkod sa bayan at ang kampanya kontra paggastos at luho.
Kilala nyo na ang tinutukoy ko kaya hindi nyo kailangan pa ng karagdagang clue.
Ang tanging clue na lamang ay hindi halatang nanggaling sa kaparehong trabaho ang Kalihim kung umasta.
Gusto pang baguhin ang dinatnang setup ng opisinang pinamumunuan para ma-accomodate ang mga sektor na hindi papalag sa kanyang ginagawa.
Kilalang-kilala nyo na ang tinutukoy ko.