MUKHANG natatalo ang mga sundalo ng gobyerno sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) kung titingnan natin ang mga balita kamakailan.
Sa Sultan Kudarat, dinukot ng mga NPA ang dalawang kawani ng 39th Infantry Battalion, 10th Infantry Division.
Nakasakay sa motorsiklo ang dalawang sundalo pauwi ng kanilang kampo nang harangin sila ng 10 rebelde.
Sa Malaybalay, Bukidnon, napatay ng mga NPA ang tatlong sundalo ng Philippine Army 8th Infantry Battalion, 4th Infantry Division.
Tinambangan ang tatlong kawal habang nakasakay din ng motorsiklo patungong kampo.
Anong ibig sabihin nito?
Na kayang-kayang paikutin ng mga rebeldeng NPA at maging rebeldeng Moro ang mga sundalo ng gobiyerno.
Sa tuwing may balita tungkol sa engkwentro ng government forces at mga rebeldeng NPA o Moro, ang natatalo ay mga sundalo ng gobyerno.
Palaging nalalagasan ang mga government forces sa mga ambush at encounter.
Hindi maganda ito sa paningin ng ordinaryong mamamayan at maging sa kapwa mga sundalo na mawawalan ng morale o fighting spirit.
Kailangang mas pagbutihin ang military intelligence upang malaman ng kasundaluhan ang balak ng mga kaaway at kung saan sila nagtatago.
Ang hirap kasi sa mga sundalo ay naglalagi lang sila sa mga kampo sa halip na maglakad-lakad o magpatrolya sa paghahanap ng mga kuta ng mga kaaway.
Noong tenyente at kapitan ang aking ama sa nilansag na Philippine Constabulary (PC), nagpapatrolya siya at ang kanyang mga tauhan sa gabi upang hanapin ang mga pinagtataguan ng mga kaaway.
Batambata pa ako noon pero naalala ko pa na tuwing umuuwi ang aking ama galing sa patrol, may dala silang mga bangkay ng mga kaaway na napatay nila sa engkwentro.
Sa aking pagkakaalam at sa mga sinabi ng tatay ko noong malaki na ako na walang nalagas na tauhan siya sa engkwentro dahil maagap sila.
“Marami akong ki-nuhang impormante at sila ang nagbibigay ng mga mahahalagang impormasyon sa amin tungkol sa mga kaaway,” ang sabi ng aking ama.
In other words, ma-galing sa intelligence ang mga sundalo noong (late 1940’s hanggang 1950s) tenyente at kapitan pa ang tatay ko.
O kaya mas magaling ang mga sundalo noon sa larangan ng giyera kesa mga sundalo natin ngayon.
Kung sabagay nga, ang mga sundalo natin noon ay nakaranas ng World War II at nakipaglaban sila sa mga Hapon—kabilang na ang tatay ko na Bataan veteran—kaya’t bihasa sila sa larangan ng pakikipagdigma.
***
Hindi na manghuhuli ang mga pulis at maging mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ng mga drug pushers, peddlers at drug lords.
Ipapaubaya na ang paghuli sa mga drug personalities sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sinabi ni retired police general Sid Lapena, PDEA director general, na hihingan niya ng tulong ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paghuli ng mga sangkot sa pagkalat ng pinagbabawal na gamot.
Maaasahan si Lapena, na tahimik gumawa at kakaunti ang sinasabi di gaya ni Ronald “Bato” dela Rosa, chief ng Philippine National Police (PNP) na madaldal.
***
Umani na naman ng batikos si Bato sa kanyang ginawang gimik na ipa-push up ang mga pulis sa Pampanga na nasangkot sa pagkidnap at pag-extort ng ibang mga Koreano sa Angeles City.
Kontodo pasigaw-sigaw sa harap ng camera si Bato.
Yun lang ba ang ibinigay ni Bato sa mga tauhan niya na sangkot sa pangingidnap?
Tangna! kaya pala hindi nirerespeto ng kanyang mga tauhan ang kumag na ito!
Paano naman siyang igagalang, eh payaso (clown) siya?
Meron pang ginawang kabalbalan ang payasong si Bato.
Sinabi niya na kapag nahawakan niya ang isang pulis na involved sa krimen baka sisigaw ito at sabay kanta ng “Please release me…”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.