Biktima ng super typhoon Nina, pwede na sa calamity loan

SIMULA ngayong araw (Pebrero 3) ay maaari nang makapag-avail ng calamity loan assistance ang mga miyembro ng Social Security System (SSS) na naapektuhan ng Super Typhoon “Nina”

Maaaring humiram ang miyembro ng hanggang P16,000 bilang calamity loan kung nagbabayad sila ng kontribusyon batay sa pinakamataas na MSC.

Noong mga nakaraang taon, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP) ang pantulong ng SSS sa mga nasalanta ng kalamidad.

Sa SLERP, ipinagpaliban ang kinakailangang 50 porsyentong pagkumpleto ng kabuuang bayad sa utang, na isa sa mga kondisyon sa ilalim ng regular na panuntunan sa pag-renew ng salary loan. Ngunit bilang konsiderasyon, pinahintulutan ng SSS ang mga miyembro na i-renew ang kanilang loan kahit iilang monthly amortization pa lamang ang kanilang binayaran.

Gaya ng salary loans, maaaring bayaran ang calamity loan sa loob ng dalawang taon na may 24 equal monthly installments.

May taunang interest rate na 10 porsyento at isang porsyentong multa kada buwan kapag hindi nakapagbayad sa itinakdang panahon atu pang mas makatulong sa mga aplikante ay ipinagpaliban din ang isang porsyentong service fee.

Maaaring mag-apply ng SSS calamity loan ang miyembrong may bahay o ari-arian sa idineklarang calamity area at may 36 buwanang kontribusyon, anim mula rito ay nabayaran sa loob ng 12 buwan bago pa man ang araw ng aplikasyon.

Hindi naman kabilang sa kasalukuyang programa ang mga miyembrong nag-avail ng SSS Loan Restructuring Program at may mga final benefit claims tulad ng total permanent disability at retirement. Maaari rin mag-apply ang mga employee-members ng calamity loan basta’t updated ang mga employers sa pagbibigay ng kontribusyon at loan payments.

Maaaring mag-file ng calamity loan application sa alin mang sangay ng SSS simula Pebrero 3. Para sa mga nasa ibang bansa gaya ng seafarers at overseas Filipino workers (OFW), pwede silang magpadala ng representative upang isumite ang kanilang aplikasyon.

Kailangan din na ipri-sinta ang Barangay Certification na magpapatunay ng kanilang paninirahan sa nasabing lugar o ng kanilang kasalukuyang estado bilang OFW o seafarer.

Makukuha ng miyembro ang tseke sa mismong sangay ng SSS kung saan sila nag-submit ng aplikasyon. Kung hindi nakuha ang tseke makalipas ang 10 araw, ipapadala ito sa koreo.

Maliban sa calamity loan assistance, kabilang din sa SSS calamity relief package ang tatlong buwan na paunang bayad sa pensyon sa ilalim ng SSS at Employees’ Compensation Program; at pinababang interest rate sa ilalim ng Direct House Repair and Improvement Loan Program.

Hanggang Hunyo 17 ay maaaring mag-apply ng loan at advance pension samantalang isang taon naman tatanggap ng application sa Direct House Repair and Improvement Loan ang SSS.

Bukas ang SSS calamity relief assistance sa mga calamity areas na idineklara ng National Disaster Risk Management Council, gaya ng Batangas; Quezon; Naujan, Calapan at Puerto Galera sa Oriental Mindoro; Gasan, Mogpog, Boac at Torrijos sa Marinduque; Albay, Catanduanes at Camarines Sur; at Jipapad, Maslog, Oras, Dolores, Can-avid, Taft, Sulat, Arteche at San Policarpio sa Region 8 noong 13 Enero 2017.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang pinakamalapit na sangay ng SSS, tawagan ang SSS Call Center hotline sa 920-6446 hanggang 55, o magpadala ng email sa member_relations@sss.gov.ph. Downloadable ang mga application forms sa SSS website www.sss.gov.ph.

May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Read more...