OFWs sa HK: OEC walang silbi

ILANG overseas Filipino workers sa Hong Kong ang nagtipon-tipon sa labas ng Philippine Consulate doon bilang protesta sa nangyaring kaguluhan dahil sa bagong sistema ng pagkuha ng Overseas Employment Certificate exemption.

Noong nakaraang Disyembre, libu-libong mga OFW mula sa Hong Kong ang kinailangang magtungo sa Philippine Overseas Labor Office sa HK para magparehistro ng kanilang OEC exemption.

Marami sa kanila ang pumunta sa POLO ang naabala dahil sa mahabang pila ng mga kumukuha ng OEC exemption. Ayon naman kay Labor Attache Jolly Dela Torre, nagkukumpulan ang mga OFW na kumukuha tuwing Biyernes at Sabado kung kaya’t nagkakagulo sila sa Konsulado.

Kaya naman hiyaw ng mga OFW sa HK kung bakit hindi nalang tanggalin ang OEC dahil bukod sa laking abala ito sa kanila, hindi rin naman nila maintindihan kung ano ba talaga ang saysay ng OEC sa kanilang buhay.

Sabi ni Dolores Balladantes, chairperson ng United Filipinos in Hong Kong, sa halip na mapadali ang mga proseso mas lalo lamang naabala ang mga OFW.

At dahil sa bagong sistemang ito, ilang mga OFW ang naiwan tuloy ng kanilang flights. Bukod sa pumila na nang mahabang oras, pinagsamantalahan pa sila ng mga fixer at nagbayad ng malaking halaga.

Dagdag pa ni Balladantes, ito ‘anya ang nagiging resulta kung hindi pakikinggan ng gobyerno ang nais ng mga OFW.

Sa panayam ng Bantay OCW kay Dela Torre, ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang hindi maabala ang mga OFW sa pagpila para sa OEC exemption.

Naglilingkod at bukas na ang POLO tuwing Biyernes upang higit pang mapaglingkuran ang ating mga kababayan.

Sa kabilang banda, sinisiguro naman ni dela Torre na ipararating niya ang hinaing ng mga OFW kina Secretary Silvestre Bello ng Department of Labor and Employment at maging sa pangulo.

Bukod sa abala sa OEC exemption, nais rin ng mga OFW na tuluyan nang tanggalin ang terminal fee sa airfare na kanilang binabayaran.

Matatandaang noong nakaraang administrasyon, isinama ang pagbabayad ng terminal fee sa airfare na binabayaran ng mga pasehero. Naging malaking abala ito para sa ating mga OFW. Hindi nga naman ganuon kadali ang pagkuha sa mga refund counter para kunin ang terminal fee. Kaya’t mas madalas, nakakaligtaan na ito ng ilan sa ating mga kababayan.

Sa ilalim ng Duterte administration, seryoso ito sa pagbibigay ng mas pinaigting na serbisyo para sa ating mga OFW. Mas mabilis na proseso para sa kanilang mga dokumento, mas maraming benepisyo at proteksyon.

Kaya umaasa ang ating mga OFW na pakikinggan ang kanilang mga karaingan at kahilingan sa ating pamahalaan.

Ano kaya ang sey nila dito sa pagpapatanggal ng OEC? Abangan ang susunod na kabanata!

Read more...