Disiplina, edukasyon sa kalye ang problema

NITONG nakaraang Lunes ay kumalat ang video ng isang bus sa Quezon City na tahasang lumalabag ng traffic lane rules, at ang driver pa ang galit.

Kasabay sa galit ng driver ay ang galit din ng mga pasahero ng bus sa sasakyan na ayaw magbigay sa kumokontra daloy na bus.

Pinalala ang sitwas-yon nang dumating ang isang unipormadong traffic enforcer na walang magawa sa violation ng bus driver.

Parang walang kuwenta ang enforcer na iniwan na lamang ng bus matapos nito ambaan ng tubo ang driver ng kasalubong na sasakyan.

Pero kinabukasan ay mas lalo akong naasar dahil sa pagmamalaki ng LTFRB na natukoy na nila ang bus company at iniimbestigahan na nila ito.

Sa sinalaysay ko na mga kaganapan makikita ninyo ang lahat ng mali sa mga lansangan natin kaya hindi maayos-ayos ang matinding trapik.

Una, akala ng driver ng bus, basta nasa kalye siya kahit saan ay puwede na siya dumaan, at lahat ay dapat umalis sa daan niya. Nagagalit sila dahil naiistorbo ang pagpasada nila.

Ang mga public transport drivers na ito ay mayabang pag nagmamaneho pero biglang magiging maamong tupa ‘pag kinasuhan na.
Ang laging dahilan ay naghahanapbuhay lang sila. Hindi nila maintindihan na lahat ay naghahanapbuhay rin pero sila lang ang perhuwisyo sa kapwa.

Pangalawa, ang mga pasahero na sa sobrang pagmamadali ay kinakampihan pa ang tiwaling driver makara-ting lang sa pupuntahan nang maaga at hindi alintana na delikado ito at baka sila pa ang mapahamak.

Pangatlo, ang mga traffic enforcer ay hindi alam ang batas nila, walang confidence na manghuli at mas madalas sa hindi ay kotong lang ang inaatupag kaya walang respeto ang mga driver sa kanila.

Pero ang pinaka nakakainis ay ang pang-apat, ang LTFRB at LTO na kailangan pang “mag-imbestiga” sa sitwasyong dapat ay pag-aresto na at pagsasampa ng kaso ang dapat gawin.

Ganito ang sitwasyon araw-araw sa lansangan ng bansa. Mga uneducated drivers at commuters, mga ill-informed, ill-equipped at corrupt na traffic enforcers, at mga walang silbing government regulation agencies.

Madali sana ang solusyon. Isang malaliman at maayos na educational program sa mga enforcer ang ipatupad. Isang information at discipline campaign sa drivers at commuters. At matinding service improvement campaign sa mga regulating agencies.

Pero ang totoong solusyon ay mass transport system tulad ng train at subways at bus rapid transit system. Hanggang hindi ito naibibigay sa taumbayan ay laging ganito ang sitwasyon ng ating trapiko.

Para sa komento o tanong, i-text ang pangalan, lugar at mensahe sa 09163025071 o sa 09999858606. O kaya ay sumulat sa iris.panganiban@gmail.com

Read more...