KAILANMAN, di magiging mabuti ang masama kung ang magpapabuti ay masama rin. Mas malupit pa nga ang wika ng Ebanghelyo ni San Marcos: Puwede bang Satanas ang magpalayas sa Satanas? Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Heb 9:15, 24-28; Slm 98; Mc 3:22-30) sa ikatlong linggo ng taon.
Ang pagpapalayas ni “Satanas” kay “Satanas” ang ginagawa ngayon nina Digong at Bato sa PNP bunsod ng pamamaslang kay Jee Ick-joo sa kampo krimen. Pero, sa mga may malalim na kaalaman sa relihiyong Katoliko, ang malaking sakit ng ulo ng gobyernong Mindanao ay katiting na bahagi lamang ng parusa ng langit (divine punishment).
Si Aquino ay nakaranas din naman ng parusa ng langit. Noong Hulyo 2013, pagkatapos i-consecrate ng mga obispo ang bansa sa Immaculate Heart of Mary, sumabog ang pork barrel scam at nag-martsa ang libu-libo sa kalye. Una rito, inakusahan ni Aquino, sa pamamagitan ng matandang babae, ang mga obispo na humingi ng Pajero sa PCSO. Wala naman palang Pajero.
Sa sunud-sunod na parusa ng langit kay Aquino, ang pinakamatindi ay ang pagkamatay ng SAF 44, nakayuko, at di taas noo, ang anak nina Ninoy at Cory. Gayun din naman sina Digong at Bato sa Koreanong pinatay ng pulis na ipinagmalaki ng mga bida. Nawalan ng sigla si Digong at tumahimik. Yumuko at “natunaw” sa kahihiyan si Bato. Habang lugmok sa kahihiyan, nabanggit ni Bato ang Diyos.
Ang parusa ng langit ay para sa lahat, di lamang kina Digong at Bato. Ang mga pantas ay ginagawang tanga. Ang matatalino ay nagiging bobo. Ang mayayaman ay naghihirap. Ang mayayabang ay lumalagapak sa kahihiyan. Ang malalakas ay biglang iginugupo ng sakit. Karma, gaba, atbp., ang tawag diyan. Kailangan pa bang pumalaot sa aral na isinasaad ng aklat ng Korinto?
Pera lang ang habol ng mga pulis kaya tiwali sila. Noong 1979, panahon ng martial law, paboritong holdapin ng mga armado ang mga sangay ng matandang banko. Walang nahuling suspek, pero ang suspetsa ng mga Intsik at negosyante ay mga Metrocom sila. Nahinto lang ang holdapan nang ilapit ng mga negosyante kay Marcos ang kaduda-dudang operasyon ng mga armado.
Ang target ng mga Satanas sa PNP ay ang may pera. Hindi ang mayayaman, basta may pera at may isusuka pang pera. Hindi nila target ang mayayamang dati at kasalukuyang mga heneral at SPO3 na may P17 milyon. Ang target ay ikaw na yumaman sa sariling-sikap. Hindi nila tatargetin ang mayayamang may koneksyon kina Digong at Bato.
Kapag nabuking, ang Satanas na mga pulis ay gumagamit ng “deception, intimidation and manipulation” para makaiwas sa batas. Sa madaling salita, sila ang madalas lumabag sa batas dahil may konek din sila sa piskalya at husgado; nang dahil sa pera. Kayang magsinungaling ng pulis under oath, magtanim ng ebidensiya, at kasuhan tayo ng gawa-gawang resisting arrest o assaulting an officer.
Ang bugok na pulis ay kayang pabugukin ang buong pulis ng PCP, istasyon, lungsod, rehiyon at buong PNP. Bugok na ang PNP at naglilinis lamang dahil malaking kahihiyan sa South Korea, at buong mundo, ang pamamaslang kay Jee Ick-joo. Kaya nga napahiya sina Digong at Bato. Kung karaniwang magbibigas sa Bulacan lang ang pinatay sa kampo krimen ng Crame, mapapahiya ba sina Digong at Bato?
PANALANGIN: O makapangyarihang San Miguel sa kalangitan, tulungan mo kaming mapagtagumpayan ang lahat ng kasamaan. Fr. Mar Ladra, Diocese of Malolos.
MULA sa bayan (0916-5401958): Sa Calapan, ang maritime police ang tiwali. Tama. Mag-ingat nga sa pulis….7621
Madalas ang ronda ng mga pulis sa Monumento, Caloocan. Rondang hingi sa sex workers at di rondang huli….8618