Cignal-San Beda Hawkeyes binigo ang Wangs Basketball Couriers

NAGAWANG maungusan ng Cignal-San Beda Hawkeyes ang Wangs Basketball Couriers, 84-77, sa kanilang 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup elimination round game Huwebes sa Ynares Sports Arena, Pasig City.

Pinangunahan ni Jason Perkins ang Hawkeyes sa itinalang double-double na 19 puntos at 18 rebounds habang si Javee Mocon ay nag-ambag ng 15 puntos.

Nagdagdag naman si Davon Potts ng 12 puntos para sa Cignal-San Beda na nasungkit ang ikalawang panalo sa tatlong laro.

“Credit to Wangs. They prepared hard against us,” sabi ni Cignal-San Beda coach Boyet Fernandez. “It’s a learning lesson for everyone. Every time, we have to come in and play active and match up the energy of the other team.”

Nagawa ng Couriers na maging dikitan ang laro at naitaguyod pa ang 11-puntos na bentahe, 54-43, sa ikatlong yugto bago binuhat nina Mocon at Pamboy Raymundo ang Hawkeyes sa labanan at maagaw ang kalamangan sa huling tatlong minuto.

Ibinuhos naman ni Raymundo ang lahat ng kanyang walong puntos sa ikaapat na yugto.

Pinamunuan naman ni Marlon Gomez ang Wangs Basketball (1-2) sa itinalang 22 puntos at 12 rebounds habang si Rey Publico ay may 10 puntos at anim na rebounds.

Read more...