Mahigit 100 empleyado ang naospital nang lamunin ng apoy ang isang pabrika sa Gen. Trias, Cavite, Miyerkules ng gabi.
Pitumpu’t pito katao mula sa pabrika ng House Technology Industries (HTI) ang dinala sa Divine Grace Medical Center at 27 pa ang dinala sa Gen. Trias Pediatric Hospital, ayon sa ulat ng Cavite provincial police.
Kabilang sa mga naospital ang dalawang Japanese national na sina Nahgae Hideki, 44, at Toshimitsu Endo, 66, technical supervisor at adviser HTI, ayon sa pagkakasunod.
Marami sa mga empleyado ang naospital dahil sa pagkalanghap ng usok, pero mayroon ding nagtamo ng mga paso sa iba-ibang bahagi ng katawan, ayon sa mga awtoridad.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Cavite Gov. Jesus Crispin “Boying” Remulla na kritikal ang lagay ng ilan sa mga naospital dahil nagtamo ng matinding paso.
Tatlo katao ang nawawala pa Huwebes ng tanghali, aniya.
Pero sa nakalap na impormasyon mula sa Office of Civil Defense-Calabarzon, sinasabi na isang tao lang ang nawawala.
Magkakaiba rin ang bilang ng mga naiulat na naospital dahil sa sunog.
Ayon sa pulisya, nagsimula ang sunog sa pabrika ng HTI, na nasa compound ng Cavite Export Processing Zone Authority (EPZA), Brgy. Bacao 2, dakong alas-6 ng gabi Miyerkules.
“Under control” na ang apoy Huwebes ng madaling-araw, pero mayroon pa ring mga bahagi na nagbabaga, ayon sa OCD-Calabarzon.
Ang HTI ay kompanyang gumagawa ng mga “pre-fabricated” na bahagi ng bahay. Inaalam pa ang sanhi ng apoy.
MOST READ
LATEST STORIES