Navy-Standard Insurance llamado pa rin sa Ronda Pilipinas 2017

VIGAN, Ilocos Sur  — Kahit nawala sa koponan ang tatlong pangunahing rider nito kabilang si Ronald Oranza ay itinuturing na llamado pa rin ang Philippine Navy-Standard Insurance sa LBC Ronda Pilipinas 2017 na lalarga sa harap ng Provincial Capitol dito bukas.

Sinabi ni Navy skipper Lloyd Lucien Reynante na si Oranza, na nagwagi sa isa sa pinaglabanang tatlong leg noong nakaraang taon, pati na rin sina El Joshua Carino at Mark John Camingao ay hindi makasasali sa 14-stage bikefest na ito  dahil kailangan nilang sumailalim sa basic seaman’s course.

“Hindi sila makakasama dahil kailangan nilang tapusin ang basic seaman course,” sabi ng 38-anyos na si Reynante patungkol kay Oranza, Carino at Camingao.

“Pero kumpiyansa pa rin ako sa tsansa namin ngayon dahil nakakuha  kami ng bagong kapalit para mabuo namin ang kombinasyon ng experience at youth.”

Ayon kay   Reynante,  itutulak ng koponan na   muling maging kampeon si Jan Paul Morales.

“Focus kami kay Jan Paul na maging back-to-back champion dahil wala pa nakakagawa noon dito sa Ronda. Parang record na rin sa amin sa team iyon kapag nagawa namin,” dagdag pa ni Reynante, habang pinagtutuunan na muling madomina ang bawat lap at makatapos ang lahat ng miyembro sa Top 10 ng General Classification.

Ang Navymen ay pamumunuan ngayon ni Morales, na inuwi ang Mindanao at Luzon title noong nakaraang taon. Kasama rin sa koponan  ang beteranong si Joel Calderon, na naging 2009 Tour King, at ang mga subok na sa labanan na sina Rudy Roque at Ronald Lomotos.

Papalit sa mga nawalang siklista ng Navy sina Jay Lampawog, Daniel Ven Carino at Archie Cardana.

Read more...