San Beda, Benilde maglalaglagan sa NCAA Season 92 women’s volleyball

Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Center)
9 a.m. EAC vs Perpetual Help (jrs)
11:30 a.m. Perpetual Help vs San Beda (men)
2 p.m. St. Benilde vs Arellano (men)
4 p.m. San Beda vs St. Benilde (women)

MANATILI sa kontensiyon para sa korona ang paglalabanan ngayon ng defending champion College of St. Benilde at San Beda College sa unang stepladder semifinals sa women’s division ng NCAA Season 92 volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.

Ang Lady Blazers, na asam na maipanatili ang titulong kanilang napanalunan laban sa San Sebastian College Lady Stags noong isang taon, ay nakamit ang No. 3 seeding matapos biguin ang Red Spikers, 25-19, 25-23, 17-25, 25-18, sa playoff noong Biyernes.

Ang magwawagi sa salpukan ganap na alas-4 ng hapon ay mananatili sa stepladder semis at makakasagupa sa Biyernes ang Arellano University Lady Chiefs na may twice-to-beat advantage matapos na pumangalawa sa elimination round.

Optimistiko si St. Benilde coach Macky Carino na magagawa muli ng kanyang mga manlalaro na makabalik sa Finals.

“We’ve been in this kind of situation before like what happened last year when came all the way back from No. 4 to become champion. We hope we could do it again,” sabi ni Carino, na tinalo ang University of Perpetual Help at Arellano sa stepladder semis  noong nakaraang season.

Sa men’s division, pilit ilalatag ng St. Benilde at reigning titlist Perpetual Help ang kanilang best-of-three title showdown sa pagsagupa nila sa Arellano at San Beda.

Mauunang sasalang ang Perpetual Help laban sa San Beda ganap na alas-11:30 ng umaga bago sundan ng salpukan ng St. Benilde at Arellano dakong alas-2 ng hapon.

Binigo ng Blazers ang Altas, 25-21, 25-23, 25-14, noong Biyernes upang selyuhan ang unang silya habang nahulog ang huli sa ikalawang puwesto.

Sa salpukan sa juniors division ay asam ng Emilio Aguinaldo College ang labanan para sa titulo kontra Lyceum of the Philippines University sa pagharap nito sa nakaraang taon na kampeon na Perpetual Help ganap na alas-9 ng umaga.

Bitbit ng Brigadiers ang twice-to-beat na bentahe sa pag-okupa sa No. 2 habang ang Junior Altas, na pinatalsik ang Juniors Chiefs, 25-18, 25-23, 25-14, sa unang stepladder semis noong Biyernes, ay kailangang talunin ang una ng dalawang sunod upang makaabante.

Agad na inokupahan ng Junior Pirates ang silya sa kampeonato matapos walisin ang lahat ng laro sa eliminasyon.

Read more...