Arjo Atayde ‘binantaan’ ang pamilya, wag pupunta sa casino
NAKAKATAWA itong si Arjo Atayde. Ayaw na ayaw pala niyang pinanonood siya ng kanyang pamilya kapag kumakanta at sumasayaw dahil hindi pa raw siya confident sa bago niyang raket.
Kinontrata kasi si Arjo (na mas kilala ngayon bilang Joaquin Tuazon sa FPJ’s Ang Probinsyano) ng Pagcor para sa pitong probinsya kasama na ang Metro Manila ayon na rin sa request ng mga mahilig maglaro sa casino.
Pawang mga retired na raw ang mga players ng casino, ibig sabihin mga senior citizens na tumututok din sa kanilang teleserye at isa nga si Arjo sa gusto nilang mapanood mag-perform dahil nagustuhan daw nila ang binata noong sumayaw ito sa ASAP.
At dahil walang taping para sa Ang Probinsyano si Arjo ay naisingit nito ang weekend show ng Casino Filipino sa Angeles, Pampanga, Metro Manila, Cebu, susunod ang Tagaytay at iba pang probinsya.
Gusto sana ng pamilya ng aktor na mapanood siya sa kanyang live performance, pero ang nakakaloka nagbilin daw si Arjo sa entrance na huwag papasukin ang pamilya niya.
“Luku-luko itong si Arjo, eh. Pina-ban kami sa entrance ng Casino, ‘wag daw kami papasukin at kung sakaling malaman niyang nandoon kami, magagalit daw siya. Saka na lang daw niya kami iimbitahin kapag confident na siya sa boses niya,” kuwento ng nanay niyang si Sylvia Sanchez.
Naisahan pa rin ni Ibyang ang anak dahil maski na wala siya sa venue ay may mga kausap naman siyang fans na sumusunod sa anak na i-video ang performance ni Arjo para mapanood niya.
Kaya maski wala ang nanay ng aktor sa venue ng show niya ay monitored naman siya dahil sa Facebook live video. At napanood din namin ang mga taong humihiyaw sa aktor na ang tawag na sa kanya ay Joaquin.
Ballad ang karamihang kinakanta ni Arjo at bagay sa boses niya ang mga awitin ni Ariel Rivera. At dahil sumasayaw naman siya ay bakit hindi niya subukan ang mga awitin ni Justin Timberlake na bagay din sa boses niya. Narinig na rin namin siyang kumakanta ng mga awitin nina Michael Buble at Josh Groban.
Hmmmmm, multi-talented pala itong si Arjo kaya naman pala noon pa niya kinukulit si Ibyang na gusto niyang mag-showbiz. Wala pa bang nag-alok na magkaroon ng album ang aktor? May boses siya, huh!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.