San Miguel Beermen ginapi ang TNT KaTropa Texters

Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. Globalport vs Rain or Shine
6:45 p.m. NLEX vs Barangay Ginebra
Team Standings: San Miguel Beer (10-1); Star (6-4); Alaska (6-4); Rain or Shine (5-4); TNT KaTropa (6-5); Phoenix Petroleum (6-5); Barangay Ginebra (5-5); Globalport (5-5); Blackwater (5-6); NLEX (2-8); Mahindra (3-7); Meralco (3-8)

IPINAGPATULOY ng defending champion San Miguel Beermen ang mahusay na paglalaro matapos nitong makalusot sa TNT KaTropa Texters, 98-94, sa kanilang 2016-17 PBA Philippine Cup elimination round game Sabado sa Ynares Center, Antipolo City.

Umiskor si June Mar Fajardo ng apat na diretsong puntos para itabla ang iskor sa 94-all bago naghulog si Alex Cabagnot ng go-ahead triple may 23 segundo ang nalalabi sa laro para ang Beermen, na nakuha ang ang unang twice-to-beat privilege dalawang linggo na ang nakalipas, ay isara ang kanilang elimination round campaign na may 10-1 record.

Pinangunahan ni Fajardo ang San Miguel Beer sa ginawang 20 puntos at 22 rebounds.

Nag-ambag si Cabagnot ng 19 puntos habang sina Marcio Lassiter at Arwind Santos ay may tig-18 puntos para sa Beermen.

Ang panalo ng San Miguel Beer at Star Hotshots, na pinatikim ang Meralco Bolts ng pinakamasaklap na kabiguan sa kasaysayan ng prangkisa sa itinalang 120-73 pagwawagi sa unang laro, ay nagpahigpit pa rin sa karera para sa No. 2 spot at ang ikalawang twice-to-beat advantage sa quarterfinals dahil naghahabol pa ang Alaska Aces, Rain or Shine Elasto Painters at Star dito.

Ang pagwawagi ng Star, na ikatlong sunod nito, ay nagpaangat sa kanilang kartada sa 6-4 at nagpalakas sa tsansa nilang masungkit ang twice-to-beat bonus sa quarterfinal round.

Pinamunuan ni Allein Maliksi ang Hotshots sa ginawang 25 puntos kabilang ang limang 3-pointers habang sina Paul Lee at Jio Jalalon na may tig-15 puntos.

Samantala, pilit na pasisikipin ng Barangay Ginebra Gin Kings ang agawan para sa magandang puwesto sa quarterfinals sa pagsagupa nito sa NLEX Road Warriors sa tampok na labanan ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Una munang magsasagupa ang kapwa nais na makaahon sa dalawang sunod nitong kabiguan na Rain or Shine at Globalport Batang Pier sa alas-4:30 ng hapon bago sundan ng importanteng laban para sa Gin Kings kontra sa napatalsik nang Road Warriors alas-6:45 ng gabi.

Halos pantay lang ang kartada ng Rain or Shine (5-4), Globalport (5-5) at Barangay Ginebra (5-5) kaya mahalaga sa mga koponang ito na makakuha ng panalo ngayon.

Huling nabigo ang Elasto Painters sa Meralco Bolts, 72-82, habang nalasap ng Batang Pier ang 100-106 kabiguan kontra sa Beermen upang kapwa dumausdos sa labanan para sa unahang puwesto.

Asam naman ng Barangay Ginebra na makabangon mula sa 73-79 kabiguan kontra sa Phoenix Petroleum Fuel Masters sa pagharap nito sa nasa hulihan at napatalsik din na NLEX na may 2-8 kartada.

“We just could not play complacent especially when our players saddled with injuries,” sabi ni Gin Kings coach Tim Cone. “We need to earn our slots the hard way and it needs more effort from the entire team.”

Read more...