Mag-ingat sa pulis

WALA silang maitugon kundi galit, o pananahimik, dahil napahiya sa/at ipinamukhang kamalian ng kanilang pag-iisip. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Heb 7:1-3, 15-17; Slm 110; Mc 3:1-6) sa Miyerkules sa ikalawang linggo ng taon.

Kung gayon si Noynoy, gayon din naman si Digong: lagayan sa BI, Tugade traffic, murder sa Kampo Krimen, etc. Tahimik muna si Digong dahil ipinamukha sa kanya ang kahihiyan at kamailan. Bakit , sa isang iglap, di eksperto si Digong sa pulisya at pambansang pulisya? Sa lilim ng mga Ebanghelyo, there’s nothing new under the sun.

Mag-ingat sa pulis. Hindi na sila naglilingkod sa taumbayan at nagtatanggol (to serve and protect? Pwe!). Hindi na lingkod-bayan ang pulis at di na rin sila tagapagtanggol, lalo na ng mahihirap. Sila na ang pumapatay, dahil yan ang utos ni Digong. Paano aakayin ng bulag ang kapwa bulag tungo sa tamang daan?

Sa sunud-sunod na semplang ni Bato ngayong Enero sa pamamahalang pambansa, ngayon ko lang naunawaan ang panawagan ni Mon Tulfo noong huling linggo ng Nobyembre na magbitiw na si Bato sa puwesto. Para kay Mon, obob si Bato at komedyano (komedyante). Sa pagpatay kay Jee Ick-joo, babawasan na raw ni Bato ang kanyang sosyalan. Teen deprivation?

Kung talagang palpak si Bato, mas lalong mag-ingat sa mga pulis. Sa PNP, ang kapalpakan ay nakahahawa. Tulad yan ng bahing, na ang sisipunin ay mga PO1. Kung may sakit na ang puno hanggang sa ibaba, dapat na nga silang pandirihan. Ang nandidiri ay umiiwas sa sakit – sa pulis.

Kung may pinatay sa pamumuno ni Bato sa Kampo Krimen, meron din namang pinatay na mga aktibista sa panahon ni Fidel Ramos nang ideklara ang martial law. Nakapagtataka na di ito binabanatan ng mga dilaw at tanging si Marcos lamang, na wala namang pinatay. Sa kabila ng pamamaslang, may tiwala pa rin si Digong kay Bato. Gayon din naman si Marcos, kay Ramos, noon.

Sa anibersaryo ng pamamaslang sa SAF 44, sapul si Noynoy Aquino. Sa anibersaryo ng People Power sa Peb. 25, huwag nang dakilain si Corazon Aquino. Wala siyang papel, at nakita ko ito nang kumober ako noong 1986 (noon, 10 taon na ako sa Evening Post). Iniluklok si Cory ng US at ang utak sa pagpatay kay Ninoy ay hindi si Marcos.

Ang drug rehab na Galilee Home sa Dona Remedios Trinidad sa Bulacan ay 27 taon nang naglilingkod nang tahimik, kumukukop, nagpapagaling at nagpapabago sa mga adik. Dinalaw ito ng isang grupo ng mga delegado, pari’t obispo ng WACOM 4 at nakita nila ang mercy and compassion ng tahimik at di nagyayabang na Diocese of Malolos. Digong, may nagagawa ang simbahan at di nila ito ipinagsasabi, tulad ng bilin ni Jesus sa kanyang mga pinagaling.

Nasa mga Pagninilay sa Ebanghelyo na ang makasalanan ay nanghihina sa mismong kanyang kasalanan. Sa kanyang mga kasalanan ay napapahiya siya; at ang mataas ay lumalagapak sa pagbagsak. Hindi takot si Digong diyan. Tinawag pa niya ang ganyang kasasadlakan na destiny. Sige na nga. Kapalaran nang lumagapak.

Marami raw sa mga pari’t obispo ang may asawa; mga asawa. Bakit hindi niya pinangalanan ang marami kundi ang isa lang? Napakarami ang mga pangalan na isinangkot niya sa droga. Bakit di niya kayang maglabas ng sandangkal na listahan ng mga pari’t obispo na may mga asawa?

Marahas si Digong sa naka-tsinelas na sangkot sa droga. Patay ang mga ito. Bakit buhay pa ang narco cops? Bakit walang pinapatay na mga pulis na tokhang for ransom? Ang makasalanang mahihirap ay dapat patayin agad at pabayaan sa paghahasik ng lagim ang narco cops at mga opisyal na tokhang for ransom?

PANALANGIN: Pagkalooban mo kami ng karunungang bumangon mula sa aming pagkakamali (bahagi ng Panalangin sa Madaling Araw).

MULA sa bayan (0916-5401958): Illegal logging ang sanhi ng malalim na baha sa Agusan del Sur. Bakit hindi iniulat ng ABS-CBN ang talamak na illegal logging sa Mindanao? …8799

Sana mag-imbestiga ang DSWD sa pamamahagi ng 4Ps sa Camarin, Caloocan at i-media ito. May mga benepisyaryo na di naman mahihirap. …0922.

Read more...