NAGSALITA na ngayong umaga si dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III matapos naman siyang idiniin ni Pangulong Duterte kaugnay ng palpak na operasyon sa Mamasapano noong Enero 25, 2015 na nagresulta sa pagkamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF).
“Nangako po akong manahimik ng isang taon. Pero nitong Martes, nagsalita si Pangulong Duterte. Sa pakiwari ko: Tama lang po na tumugon ako,” sabi ni Aquino sa tatlong pahinang pahayag na inilabas sa kahapon ng umaga.
Sa kanyang pahayag, muli namang idiniin ni Aquino si dating SAF chief Getulio Napeñas na umano’y nagsinungaling sa kanya kaugnay ng operasyon.
“Kung may kasalanan po ako bilang Pangulo nung panahong iyon, ito po: ni minsan, hindi pumasok sa isip kong magagawa ni Napeñas na magsinungaling sa Pangulo ng Pilipinas. Pinagkatiwalaan ko ang isang two-star police officer, na ako pa mismo ang nagpromote. Naniwala akong itong graduate ng PMA ay tatalima sa values ng paaralan na ‘Courage, Integrity, Loyalty,” sabi ni Aquino.
Idinagdag ni Aquino na kabilang sa mga utos niya kay Napeñas
ay ang paggamit ng 160 Seaborne operatives, na haharap sa mahigit 3,000 na potensyal na armadong kalaban at makipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Kung sinunod lang ang lohikal at legal kong utos, hindi mangyayari ang trahedya sa Mamasapano,” sabi pa ni Aquino.
Kasabay nito, isa-isang sinagot ni Aquino ang mga alegasyon ni Duterte, kabilang na kanyang tanong kung bakit ang SAF ang ipinadala sa Mindanao.
“Klaro po, hindi limitado ang operasyon ng SAF sa urban areas. Sa SAF rin po, sa pagkakaalam ko, at batay na rin sa isang dating direktor nila, ang unang kursong tinuturo sa kanila ay tinatawag na commando course. Pang-counter insurgency po ito, at ang insurgency po natin, nasa rural areas,” paliwanag pa ni Aquino.
Sinabi pa ni Aquino na bilang bahagi ng Philippine National Police (PNP), saklaw ng SAF ang trabaho na magsilbi ng warrant of arrest laban sa teroristang sina Marwan at Basit Usman.
Iginiit din ni Aquino na walang direktang naging papel ang Amerika sa operasyon, taliwas sa naging alegasyon ni Duterte.
“Ano ang naging papel ng US sa operasyon? Wala po akong Amerikanong nakausap ukol sa operasyon bago ito maisagawa at habang ito’y isinasagawa sa Mamasapano. Sa pagkakaunawa ko po, tumulong ang Estados Unidos doon sa equipment at hardware na pinanggalingan ng intelligence. Bago pa man ang panahon ko, tumutulong na ang Estados Unidos sa ating mga operasyon,” ayon pa kay Aquino.
Itinanggi din ni Aquino ang pahayag ni Duterte na si dating Presidential Adviser on the Peace Process na si Teresita “Ging” Deles ang pagpapadala ng air assets sa Mamasapano.
“Bago ang lahat, wala po yatang kinalaman si Secretary Ging Deles sa naging misyon dahil iyon po ay isang law enforcement operation. Sinasabi pang makakaapekto daw sa peace process sa MILF. Fact po: MILF counterpart pa nga ang unang nagsabi kay Gen. Galvez, ang GPH-CCCH chairman, ukol sa bakbakan sa Mamasapano,” ayon kay Aquino.
Niliwanag din ni Aquino na hindi na nakialam ang gobyerno kung kanino napunta ang sinasabi ni Duterte na $5 milyong pabuya.
“Sa kung sino ang nakatanggap ng 5 million dollars na reward mula sa US: Hindi po natin masabi, dahil hindi naman po natin reward ito. Sa totoo lang ho, hindi na rin tayo nakialam sa reward,” ayon pa kay Aquino.
Ipinagtanggol din ni Aquino ang desisyon na dalawa lamang ang nabigyan ng PNP Medal of Valor.
“Ang paggawad po ng mga parangal na ito ay dumadaan sa isang proseso; nakabase ito sa rekomendasyon ng isang board ng PNP. Nabanggit naman po ni Pangulong Duterte na muli niyang pinapaaral ang paggawad ng Medal of Valor para sa lahat ng SAF na nasawi. Pareho naman ang prosesong pinagdaanan namin; kung may makita siyang paraan para mabigyan ang lahat, sang-ayon kami rito,” giit ni Aquino.