BAKIT hindi isinama ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales si dating Pangulong Noynoy Aquino sa kasong isinampa laban sa dalawang dating police generals kaugnay sa masaker ng 44 police commandos sa Mamasapano, Maguindanao?
Sina dating Philippine National Police (PNP) Director General Alan Purisima at Chief Supt. Getulio Napenas, ang chief ng Special Action Force (SAF) noon, ang mga kinasuhan ng Office of the Ombudsman.
Hindi binigyang-pansin ni Noynoy ang suspension order na ibinaba ng Ombudsman kay Purisima at bagkus ay inatasan pa ito na mag-supervise sa operation na kunin ang teroristang alyas Marwan dead or alive.
Binastos pa nga ni Noynoy si Mar Roxas, ang kanyang secretary of interior noon, at ang acting PNP chief na si Deputy Director General Leonardo Espina dahil hindi niya ipinaalam ang operation na hulihin o patayin si Marwan.
Doon na lang sa di niya paggalang sa suspension order ng Ombudsman ay dapat nakasuhan na siya.
Nakakapanghinala ang hindi pagdawit ni Morales kay Noynoy sa kaso na isinampa sa Sandiganbayan.
Masisisi ba ni Morales ang mga tao na nag-iisip na binabayaran lang niya si Noynoy ng utang na loob.
Si Noynoy kasi ang naglagay kay Morales sa Office of the Ombudsman matapos nag-retire ang huli sa Supreme Court.
Binatikos ni Pangulong Digong si Noynoy dahil sa pagmasaker ng 44 na commandos ng SAF sa Mamasapano.
Magtatatag ng truth commission si Mano Digong upang imbestigahin ang buong pangyayari na naging sanhi ng pagkatay ng “SAF 44.”
Ang commission ay magbibigay ng closure o tuldok sa Mamasapano massacre.
Kasama sa tatanungin o iimbestigahin ng commission ay si Noynoy.
Sana’y bigyan-pansin ni Mano Digong ang bulong-bulungan na may tatlong sundalong Amerikano ang napatay kasama ang SAF 44 sa Mamasapano.
Sinabi kasi ng Pangulo na kagagawan ng US Central Intelligence Agency o CIA ang operation na hulihin o patayin si Marwan.
Parang may basehan ang bulong-bulungan dahil matapos ang pagkatay sa SAF 44, ay may nag-landing na unmanned US helicopters sa pinangyarihan ng massacre.
Nakapagtataka naman na American helicopter pa ang ginamit sa pag-recover ng mga bangkay samantalang meron namang Philippine Air Force helicopters.
Kung meron man isang party-list group na dapat huwag payagan na sumali sa congressional elections, ito ay ang Kabayan.
Tinanggal ng Kabayan ang dating University of the Philippines (UP) professor na si Harry Roque, isang masugid na advocate ng press freedom, bilang kongresista.
Ang dahilan ng Kabayan ay ang madiing pagpapanukala ni Roque na alisin ng Senado si Sen. Leila de Lima dahil sa diumano’y sangkot ito sa iligal na droga noong siya’y justice secretary.
Ignorante sa Saligang Batas itong Kabayan party-list group at kailangang huwag payagan na makasali sa mga eleksiyon na darating.
Kabayan is violating Roque’s right to free speech and thoughts na nakasaad sa ating Saligang Batas.
Panahon na upang alisin ang mga party-list groups.
Pero kinakailangang baguhin ang Saligang Batas sa pamamagitan ng constitutional convention o constituent assembly.
Nakasaad kasi sa ating Constitution ang pagsali ng party-list groups sa eleksiyon.
The purpose of having party-list members in the House of Representatives is for marginalized sectors– such as security guards, laborers, vendors, the disabled and teachers, for example—to have a voice in the crafting and passage of laws.
Pero hindi nangyayari yan dahil karamihan sa mga taong iniluluklok ng mga winning party-list groups sa Kamara ay mga mayayaman at maimpluwensiya.
Gaya na lang Buhay party-list group na pinangungunahan ng religious preacher na si Mike Velarde.
Ang advocacy ng Buhay ay anti-abortion at hindi naman marginalized sector ang mga miyembro nito.