Apat na hinihinalang drug pusher ang napatay nang makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa magkasunod na buy-bust operation sa Cebu Martes hapon at gabi, ayon sa pulisya.
Nadakip din ng mga operatiba ang isang suspek at nasamsam ang mahigit P300,000 halaga ng hinihinalang shabu, pati na mga baril, sa mga operasyon sa bayan ng Aloguinsan at Minglanilla, sabi ni Supt. Joie Pacito Yape, acting chief ng Cebu provincial police intelligence branch.
Isinagawa ng intelligence personnel, lokal na pulisya, at iba pang unit ang unang operasyon dakong alas-5:30 sa Brgy. Zaragosa, Aloguinsan, kung saan ang target ay si Marvin Canencia alyas “Marvin Buang.”
Pinaputukan ni Canencia ang mga operatiba kaya nagkaroon ng shootout, ani Yape.
Tinamaan si Canencia at kasabwat niyang si Joselito Macapas kaya dinala sa Carcar District Hospital, ngunit kapwa idineklarang patay ng mga doktor, aniya.
Bago ito’y nadakip ang isa pang kasabwat ni Canencia na si Kert Jan Gantuangc at dinala sa tanggapan ng intelligence branch.
Nasamsam sa mga suspek ang dalawang malaki, isang medium, at 38 maliit na sachet na may 13.76 gramo o P162,368 halaga ng shabu, drug paraphernalia, isang kalibre-.45 pistola, at isang kalibre-.9mm pistola.
Ipapasuri ang mga baril sa crime laboratory para malaman kung ang mga ito’y ginamit sa iba pang krimen, dahil sina Canencia ay hinihinalang sangkot din sa mga pagpatay bilang gun-for-hire at robbery/hold-up.
Dakong alas-8:15 ng gabi, nagsagawa ng isa pang buy-bust ang intelligence operatives, iba pang unit, at lokal na pulisya sa isang bahay sa Sitio Lower, Brgy. Pakigne, Minglanilla.
Bumunot ng baril ang target na si Ian Anotado Zafra matapos “makabili” ng droga ang poseur-buyer, kaya siya binaril, ani Yape.
Si Zafra, na lider umano ng isang grupo, ay itinuturing na “high value target” sa Minglanilla, anang police official.
Pinaputukan ng isang Joel Maing, na kasama ni Zafra sa loob ng bahay, ang mga operatiba kaya siya’y binaril din ng mga ito, sabi ni Chief Insp. Dexter Calacar, hepe ng Minglanilla Police.
Dinala pa ng mga pulis sina Zafra at Maing sa Minglanilla District Hospital, ngunit kapwa silang idineklarang patay ng doktor, ani Calacar.
Nasamsam sa mga suspek ang apat na malaki at dalawang maliit na sachet na may aabot sa 20 gramo o P236,000 halaga ng shabi, isang kalibre-.45 pistola, at isang kalibre-.9mm baril, aniya.