Panloloko ng seafarer na mister tiniis ni misis
MATAGAL nang seafarer ang asawa ni Minda. May dalawa silang anak. Mabuting asawa at ama ang mister ni Minda.
Career woman si Minda. May maayos na trabaho at mataas din ang posisyon sa isang pribadong kumpanyang pinapasukan.
Si mister naman ay abal sa pag-a-abroad. Pareho silang abala sa kani-kanilang trabaho. Yun nga lang may dagdag na trabaho si Minda at ito ay ang pag-aalaga sa kanilang mga anak.
Sa simula nang pag-aabroad ni mister ay maayos at buo ang padala nitong remittance sa kanyang asawa.
Minsan nga ay may sobra pa dahil sa extra at overtime na trabaho.
Pero may kakaibang nangyari makalipas ang ilang buwan.
Napansin ni Minda na mukhang nag-iba na ang asawa.
Naramdaman niyang wala na itong lambing sa kanya at sa kanilang mga anak, hindi gaya nang dati.
Dati-rati, kwento ni Minda, walang araw na lilipas na hindi ito nakikipag-ugnayan sa kanila. Aalamin nito at kukumustahin ang buong maghapon ng pamilya sa pamamagitan ng maikling tawag sa telepono, text message o di kaya, private message sa Facebook.
Hanggang sa nakababa na ito ng barko. Kumpirmado na ibang-iba na ang mister.
Mula nang dumating sa bansa, palagi rin daw itong wala sa bahay. Kung minsan hatinggabi na kung umuwi, at may mga araw pang luluwas sa Maynila at hindi uuwi.
Dati-rati, kahit anong mangyari ay umuuwi ito sa kanilang bahay dahil malapit lang naman ang kanilang probinsiya sa Metro Manila.
Pero ngayon naging alibi na ni mister na nahihirapan siyang bumiyahe dahil sa sobrang traffic.
Hanggang sa dumating ang puntong naghihinala na si Minda sa asawa.
Kasabay nang mga pagbabagong ipinapakita nito, naging malamig na rin ang pakikitungo nito sa kaniya.
Ang cellular phone ni mister na dati-rati’y nasa mesa lamang at pakalat-kalat, ngayon nasa ilalim na ng kaniyang ulunan kapag natutulog ito at hawak nito palagi maging sa pagpasok sa banyo.
Lalo pang tumibay ang mga hinalang iyon dahil madalas itong may kausap sa telepono at palaging pabulong kung makipag-usap sa kabilang linya.
At pag lalapit na si Minda sa kanya, bigla na lamang lalakas ang boses sabay sasabihin sa kabilang linya na: “Sige pare kung kailangang-kailangan ba, luluwas agad ako ng Maynila.”
Nang araw ding iyon, pag-alis ng mister, napansin ni misis na maraming alahas niya ang nawawala.
Hindi naman sila nanakawan dahil tanging alahas lang niya ang nawawala.
Sinarili ni Minda ang pangit na hinala. Kaya’t nang inihatid nila si mister sa airport para sa susunod nitong sakay ng barko, laking gulat niya, dahil sinalubong ang mister sa airport ng isang babaeng seafarer na kasamahan daw niya at makakasabay nito sa biyahe.
At nakita nito na suot ng babaeng seafarer ang alahas niyang nawawala.
Hindi nag-eskandalo si Minda nang mga sandaling iyon. Inisip na lamang niya pareho sila nang alahas nung babaeng seafarer. Ngunit kinimkim nito ang sakit na naramdaman at alang-alang sa pamilya, umaasang maaayos pa ‘anya ang lahat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.