IPAGKAKALOOB ang ikatlong Gawad Julian Cruz Balmaseda ng Komisyon sa Wikang Filipino sa dalawang mag-aaral mula sa Unibersidad ng Pilipinas at Unibersidad ng Sto. Tomas.
Gagawin ang parangal sa Enero 27 sa Bulwagang Romualdez, sa tanggapan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Kinilalang pinakamahusay na masteradong tesis ang “Ang Tira Bakal bilang (Kon)Teksto ng Katawang Nagtatanghal” ni Christian Ezekiel Mananis Fajardo ng UP Diliman.
Pinuri ang tesis ni Fajardo sa ginawa nitong pagpapalawak ng kaalaman hinggil sa Tira Bakal, na isang pagtatanghal na nangyayari tuwing Biyernes Santo sa Lungsod San Fernando, Pampanga.
Hinirang namang pinakamahusay na disertasyon ang “Ubbóg Ti Asin: Kuwento at Kuwenta ng mga Babaeng Mannúrat” ni Lovella Gamponio Velasco ng UST.
Itinangi ang disertasyon ni Velasco para sa masusi nitong pagsipat sa ambag ng mga babaeng manunulat mula Nueva Viscaya at sa pagtatawid ng rehiyonal panitikan ng kababaihan tungo sa konsepto ng pambansa.
Pagkakalooban sila ng tig-P100,000, kasama ang opsiyon na mailimbag sa KWF Aklat ng Bayan.
Umupo sa lupon ng inampalan ang mga historyador na sina Dr. Jose Victor Torres at Michael Charleston Chua, at Dr. Jovino Miroy ng Kagawaran ng Pilosopiya ng Pamantasang Ateneo de Manila.
Ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ay ang pinakamataas na pagkilala na handog ng KWF para sa natatanging tesis at disertasyon sa agham, matematika, at agham panlipunan gamit ang wikang Filipino.
Iginagawad ito tuwing o malapit sa Araw ni Julian Cruz Balmaseda (28 Enero 1895–18 Setyembre 1947). Si Balmaseda ay isa sa mga nangununang makata, kritiko, at iskolar sa Filipino. Naglingkod din siya bilang direktor ng Surian ng Wikang Pambansa na ngayon ay KWF.