Tatlong pulis ang nasawi at di bababa sa lima pa katao ang nasugatan nang mag-karambola ang tatlong sasakyan sa Polomolok, South Cotabato, bago mag-tanghali ngayong araw.
Nasawi sina SPO2 Arnel Jales, SPO2 Romar Vistavilla, at SPO2 Henry Ballao, na pawang mga sakay ng isang asul na Honda Fit sedan, ayon sa inisyal na ulat ng Central Mindanao regional police.
Kabilang sa mga sugatan sina Yjohn Mamalinta, Zuharto Mantawil, Jamel Karon, Joe Zuela, at Laurence Sidico, pawang mga police trainee na sakay ng isang dump truck, ayon sa ulat.
Di pa kasama sa ulat ang impormasyon tungkol sa mga sakay ng puting Toyota Hi Ace van na nasangkot din sa karambola at nagtamo ng matinding pinsala.
Naganap ang insidente dakong alas-11:50 sa bahagi ng National Highway na nasa tapat ng isang poultry dressing plant sa Brgy. Matin-ao.
Lumabas sa imbestigasyon na kapwa tinatahak ng sedan at dump truck ang direksyon patungong Koronadal City, nang bigla na lang umano mag-swerve ang una sa loob na bahagi ng kalsada at nabundol ng trak.
Dahil sa impact, naitulak ang sedan sa kabilang lane, kung saan ito nasalpok ng van.
Isinugod sa iba-ibang pagamutan ang ilan katao mula sa tatlong sasakyan, ngunit idineklarang patay ng mga doktor ang tatlong pulis na lulan ng sedan.
Mga kasali sa isang “field training program” ang sakay ng trak, sabi ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.
Pawang mga trainor nila ang sakay ng sedan, aniya pa.
Inaalam pa ng lokal na pulisya kung ilan ang sugatan sa mga sakay ng van at anong sanhi ng insidente. (John Roson)