Hindi umano dapat sayangin ni Philippine National Police chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang pagkakataon upang maaresto ang mga tiwalag na pulis na dumudungis sa kanilang uniporme.
Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez hindi na dapat bigyan pa ng kahihiyan ni dela Rosa si Pangulong Duterte na nagtitiwala pa rin sa kanyang kakayahan sa kabila ng pagkakasangkot ng ilang pulis sa Tokhang for Ransom.
“I have said my piece at ito naman ay siguro, sasang-ayon ako doon sa mga ibang nagmungkahi na bibigyan natin ng pagkakataon si Chief PNP natin na ayusin yung mga gusot na hinaharap ngayon ng PNP,” ani Alvarez.
Sinabi ni Alvarez na kaibigan niya si dela Rosa at hindi umano personal ang kanyang panawagan na ito ay magbitiw sa puwesto matapos maisapubliko na sa Camp Crame pinatay ang dinukot na Korean businessman.
“Gusto ko lang linawin na siyempre, hiwalay yung pagkakaibigan at saka doon sa trabaho natin. Naimbitahan naman ako ni Gen. Bato doon sa birthday niya, so nagpunta ako bilang kaibigan din. At doon ay, yun nga, alam mo naman, napag-usap-usapan, biruan ng biruan. Sabi ko basta sige, ok na yun; gawin na lang yung kung ano yung sinabi,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Wish ni Alvarez kay dela Rosa na nagdiwang ng kanyang kaarawan: “Unang-una, pangalagaan yung health; at pangalawa ay talagang maging mahigpit at hard doon sa scalawags na natitira sa PNP.”
Itinanggi naman ni Alvarez na pinakiusapan siya ni Duterte upang maging mahinahon kay dela Rosa. Hindi umano napag-usapan ang isyu sa kanilang pagkikita.
Sinabi ni Alvarez na handa ang Kongreso na tulungan si dela Rosa kung mayroong mga batas na kailangang ipasa para mapatino ang pulisya.
30
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.