POC nagtalaga na nang PH SEAG chef de mission
NAGTALAGA ang Philippine Olympic Committee (POC) Executive Board Biyernes ng hapon ng magsisilbing Team Philippines chef de mission sa 29th Southeast Asian Games subalit nagkaroon ng kaguluhan kung sino kina Robert Bachmann ng squash at Cynthia Carrion-Norton ng gymnastics ang totoong napili.
Ito ay matapos na magkaroon ng kalituhan kahapon sa pagpupulong ng pribadong organisasyon ng sports sa bansa nang kanilang ipahayag sa isang istasyon ng radyo na itinalaga nito ang bagong halal na pangulo ng Squash Rackets Association of the Philippines na si Bachmann.
Gayunman, lumutang na itinalaga bilang chef de mission ang babaeng pangulo ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) na si Carrion-Norton habang ibinaba na lamang sa pagiging deputy chef de mission si Bachmann.
Sakaling mapinalisa ang kani-kanilang responsibilidad ay kapwa naman baguhan sa kani-kanilang puwesto sina Carrion-Norton at Bachmann na silang mamamahala sa kampanya ng Pilipinas sa paglahok sa kada dalawang taong torneo na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19 hanggang 31.
Si Bachmann ay naupo sa sport na squash noong 2015 matapos na palitan ang matagal namuno na si Romeo Rebano habang si Carrion-Norton ay nagbalik sa pagiging pangulo ng gymnastics matapos naman itong italaga bilang commissioner sa Philippine Sports Commission.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.