MUNTIK nang magsuntukan sina Senador Migz Zubiri at Senador Antonio Trillanes sa sesyon ng Senado habang pinag-uusapan ang P50 million bribery scandal na sangkot ang dalawang immigration commissioners.
Kung nagpang-abot ang dalawa tiyak ang babagsak o mana-knockout ay si Trillanes at hindi si Zubiri.
Halos magkaedad lang itong sina Zubiri at Trillanes, pareho silang malakas.
Si Trillanes ay kadete ng Philippine Military Academy (PMA) bago siya naging opisyal ng Philippine Navy.
Sinasabing ang isang PMA cadet ay sanay na masuntok dahil sa hazing na pinaiiral ng mga senior cadets sa mga plebo na bagong pasok.
Halos araw-araw ay tumatakbo ng ilang kilometro ang mga kadete ng PMA bago sila mag-agahan.
Babad din sila sa contact sports gaya ng boxing
Ang balita ko, nang nakakulong si Trillanes dahil sa pagsali niya sa Oakwood Mutiny, hindi nagpabaya sa kanyang katawan at madalas siyang nagwo-workout gaya ng pagba-barbel.
Pero pupusta ako na sa unang ratratan kung nagpang-abot ang dalawang senador, ang babagsak o mana-knockout ay si Trillanes.
Nakita kong maglaro ng full contact, no-holds-barred karate at arnis, the Filipino martial art of stickfighting, at palaging pinababagsak ni Migz ang kanyang katunggali.
Sa ibang pagkakataon, duguan ang kalaban ni Migz at tinitigil ng referee ang sparring.
Maraming ayaw makipag-spar kay Migz dahil alam nila na malakas manuntok, manipa sa karate at boxing
Kahit may armor ay tumatalab ang mga suntok, sipa at palo ni Migz sa kalaban.
Ilang beses naging champion sa international competition sa arnis si Migz lalo na noong bata pa siya.
May isang grupo ng mga batang Hapon na dumayo sa aming gym upang makipag-spar sa karate noong mga dekada ’90. Pinaglaruan lang ni Migz ang kanyang kalaban sa sport na likas sa mga Hapon.
Dahil teenager ang ka-spar ni Migz ay sugod nang sugod ang Japanese karateka pero bagsak ito nang bagsak sa mga suntok at sipa ni Migz.
Kahit may armor ay tumatalab ang mga suntok, sipa at palo ni Migz sa kalaban kapag ito’y nakikipag-sparring.
Nagtanung-tanong ako kung bakit ganoon kalakas si Migz at ma-ging ang kanyang mga kapatid na sina Manuel at Joey.
Napag-alaman ko na sa kanilang rancho sa Bukidnon, ang laro ng mga magkapatid ay magpaligsahan kung sino ang unang magpatumba ng baka bago ito matatakan.
Paano nila pinatutumba ang baka?
Hinahawakan nila ang baka sa sungay at nire-wrestling upang mapatumba.
Malalaki ang braso ng mga Zubiri brothers dahil sa kanilang laro na patumbahin ang baka.
Hindi lang malalakas ang mga Zubiri, lalo na ang senador, mabibilis pa sila sa sparring.
Si Zubiri ay sponsor ng batas na gawing national sport ang arnis o eskrima.
Malaki ang pasasalamat ng mga arnis enthusiasts o aficionado na kinikilala na sa ating bansa na likas na Pilipino ang martial art na ito.
Sa ibang bansa, gaya ng Europa at US, maraming sampalataya sa arnis bilang full contact sport at self-defense.
Ang arnis lang ang martial art na kapag tumataas na ang ranggo o antas ng naglalaro nito ay nagiging bihasa siya sa unarmed combat.
Ang stick o pamalo na ginagamit sa arnis ay isang extension lang ng mga kamay.
Kaya’t kahit na wala na ang pamalo ay magagamit ang kamay sa defensive at offensive techniques.
Baligtad naman sa ibang martial art dahil nag-uumpisa ito sa unarmed combat bago gumagamit ng espada o pamalo.
Sa arnis o eskrima, tinuturuan ang isang manlalaro sa pag-agaw ng kutsilyo o baril na hawak ng kalaban.