ANG payat-payat na ng Asia’s Pop Sweetheart na si Julie Anne San Jose. Parang takot na takot siyang tumaba kaya parang hindi na siya kumakain.
Kumpara nu’ng last time namin itong nakahuntahan, mas lumakas ang appeal at confidence ng bidang aktres sa Pinulot Ka Lang Sa Lupa, ang latest afternoon teleserye ng GMA 7 na magsisimula na sa Jan. 30.
Hango ito sa same movie title na pinagbidahan noon nina Lorna Tolentino, Maricel Soriano, Eddie Garcia at Gabby Concepcion. Pero dahil isinalin ito sa TV, mas pinalaki, binago ang kuwento at mas maraming mga bagong karakter ang soap under direk Gina Alajar.
Si Julie Anne ang gaganap na Santina, ang original role ni LT na makakabangga ni LJ Reyes as Angeli (role naman noon ni Maria) over Benjamin Alves as Efraim, na anak ng umampon sa kanilang si Jean Garcia na sa movie ay role naman ni Eddie Garcia.
“Maraming mga twist and turn and subplots kasi nga TV. Pero basically, yung concept ng pagkapulot, pag-ampon at pag-aagawan sa atensyon at pagmamahal ng adoptive mother nila at ng bidang lalaki, du’n iikot ang kuwento,” sey ni direk Gina na amaze na amaze sa galing ng mga artista niya.
Simple nitong paglalarawan kay Julie Anne, “She has grown into a fine young woman. May pinaghuhugutan ang bata. Gagaling pa siya. Si LJ naman, she is a best actress winner already at nakikita ko iyan dito. Lahat sila dito magagaling!”