Oplan Tokhang sa tax evaders

MUKHANG may punto si House Speaker Pantaleon Alvarez.

Bakit nga naman daw itataas ang buwis na ipinapataw sa produktong petrolyo, e ang daming buwis na hindi nasisingil ng Bureau of Internal Revenue (BIR)? Nariyan din ang Bureau of Customs (BoC) na pinalulusutan ng mga tiwaling negosyante na gustong kumita pero ayaw magbayad ng tamang buwis.

Ang palagi umanong iniisip ay magtaas ng buwis para madagdagan ang kita ng gobyerno at mapondohan ang mga proyekto ng gobyerno.

Marami ang sasakit ang ulo kapag itinaas ang buwis sa petrolyo. Tataas ang pamasahe, presyo ng pagkain, kuryente at kung ano-ano pa.

Ang masakit, wala namang kasiguruhan kung tataas ang sahod.

Pero kapag tumaas naman ang sahod, tataas ang gastos ng mga kompanya kaya tataasan din nila ang ibinebenta nilang produkto o serbisyo. Parang wala ring matitira sa bulsa ng mga manggagawa.

Sabi ni Alvarez, panahon na para ang bantayan naman ay ang mga na-ngongolekta ng buwis na siyang nakikipagsabwatan para mabawasan ang babayarang buwis.

Ang 12-porsiyentong Value Added Tax na si-nisingil sa mga bumibili ng produkto at kumukuha ng serbisyo ay hindi umano napupunta lahat sa gobyerno.

Ibig sabihin, ang kinolektang VAT ay napupunta sa bulsa ng mga tiwaling negosyante.

Tama nga naman!

Bakit ang pahihirapan ng gobyerno ay ang nagbabayad ng buwis? Ang dapat na gawin ng gobyerno ay parusahan ang mga taong nagsasabwatan sa pandaraya sa binabayarang buwis.

Naniniwala ang gobyerno na nagtatagumpay ang laban nito sa ipinagbabawal na gamot. Tama?

Sa dami nang nahuhuli at napapatay, masasabi na talagang may nangyayari sa kampanya.

E kung gamitin din kaya ng gobyerno ang formula na ginamit nila sa ipinagbabawal na gamot, sa paniningil ng buwis, magiging effective rin kaya ito.

Oplan Tokhang laban sa tax evaders!

Hirit nga ng isang miron, kung si Pangulong Duterte ay mayroong listahan ng mga drug lord at kanilang mga protektor, dapat ay magkaroon din ng listahan si Du30 ng mga tax evader sa bansa.

At dapat ay kasama sa listahan ang mga nasa gobyerno na kasabwat nila.

Pero sana ang una sa listahan ay ang mga taong malaki ang hindi binayaran. Yung mga tao na kinakaltasan ng buwis ang sahod ng kanilang mga empleyado pero hindi naman ito inire-remit sa gobyerno.

Kung tutuusin ay dobleng pagnanakaw ‘yun. Ninakaw ang pera ng empleyado at ninakawan ang gobyerno.

Read more...