SA wakas, nakapiling na muli ni Robin Padilla ang kanyang asawang si Mariel Rodriguez at panganay na anak na si Isabella. Nakauwi na sa bansa si Mariel at ang dalawang buwang baby nila matapos ang ilang buwang pananatili sa Amerika.
Doon ipinanganak ni Mariel ang bata ngunit hindi nila nakasama si Robin dahil hindi ito nabigyan ng US Visa.
Ipinost ng aktor sa Instagram ang litrato ng kanyang mag-ina kahapon na may caption na: “She came home and the whole sky became a rainbow.” Inilarawan pa ni Robin ang mga ito na siyang tunay na mga reyna ng kanilang tahanan.
Inulan naman ng magagandang mensahe ang pamilya ni Robin mula sa kanilang mga kapamilya at malalapit na kaibigan, kabilang na sina BB Gandanghari, Vina Morales at Nicole Hyala.
Kung matatandaan nagtungo si Mariel last year sa Amerika para doon manganak. Ang kanyang mga magulang at ilang kaanak ang nag-alaga sa kanya habang naroon at hanggang sa makapangangak na nga ang TV host-actress.
Hindi na nakasunod pa si Robin sa US dahil hindi pa rin siya pinalad na mabigyan ng US Visa, ito’y kahit na nabigyan na siya ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
MOST READ
LATEST STORIES