BAKIT nga ba palaging kasama sa eksena ng OFW ang ating mga taxi driver? Puwedeng maganda o kaaya-ayang mga eksena o di kaya’y kabaliktaran nito, mga pangit at di magagandang mga eksena.
Dati-rati, noong nagsisimula pa lamang ang Bantay OCW, mga 20 taon na ang nakalilipas, naging bahagi rin ng aming programa ang ating mga taxi driver.
Tulad na lamang ng misis ng isang driver na nagpupumilit mag-abroad kahit ilegal. Pero dahil sa kakakinig ng driver sa Bantay OCW kaya hindi nito pinayagan ang asawa dahil alam niyang mapapahamak lamang ito.
Hanggang sa duma-ting na ang araw ng flight ni misis. Nag-aaway pa rin sila dahil nga ayaw siyang payagan ni mister.
Hanggang sa naisip nitong isakay ang misis sa kanyang taxi at sinabi niyang ihahatid na lang niya ito sa airport.
Pero sa radio station namin dinala ni mister ang asawa habang nagpo-programa pa kami noon at nakiusap siyang kumbinsihin namin si misis na huwag na ng umalis at mali ang kaniyang gagawin.
Mabuti naman at nahimas-himasan ang OFW.
Nalaman naming biktima pala ito ng illegal recruiter dahil turista siyang palalabasin ng Pilipinas at pagdating na lang umano sa abroad ay saka siya hahanapan ng trabaho.
Minsan naman nag-iiiyak ang OFW nang dumating ito sa airport. Illegal termination naman ang inabot niya.
Walang perang naiuwi. Kumuha siya ng taxi at kinokontrata siyang P1,500 umano patungo sa Las Piñas mula sa airport.
Sabi ng OFW, “Manong maawa naman kayo sa akin, basta lang po ako pinauwi ng amo ko sa Taiwan, wala po akong kapera-pera, at ’yung ipambabayad ko sa iyo hihingin ko pa sa aabutan ko sa bahay ng pinsan ko.”
Sa awa ni manong taxi driver ay hinatid na lamang niya ang OFW at hindi na ito siningil. Ngunit kabilin-bilinan niyang magsumbong sa Bantay OCW para mabawi umano nito ang perang nagastos sa pag-aabroad. Nang dahil kay manong, natulungan ng Bantay OCW na ipabalik sa recruitment agency ang placement fee ng OFW pati na ang hindi natapos na kontrata katumbas ng tatlong buwang suweldo sa bawat taon nito.
May isang taxi driver naman na walang palyang nakikinig sa aming programa araw-araw.
At hinihikayat pa niya ang kanyang mga pasahero na makinig din sa amin.
Minsan, nang napadaan siya sa aming Operations Center noon sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City, bumaba ito at nag-regalo ng dalawang ream ng bond paper, donasyon raw niya nito para sa Bantay OCW Foundation para sa mga kababayang tinutulungan natin. Sarap nang pakiramdam, ano?
Isang driver naman ang nagdala sa Bantay OCW ng isang OFW natin na na pick up niya sa airport.
A-to-A naman ang kaso nito.
Na-airport to airport, ‘ika nga. Pagkalabas ng airport at lumanding na sa bansang tinungo, hindi na ito nakalabas at hanggang airport lang din kung saan isinakay agad siya pabalik ng Pilipinas. Iyan ang A to A.
Sa Biyernes, abangan ang ikalawang bahagi ng mga kuwento ng taxi driver noon at ngayon sa buhay ng ating mga OFW.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
Audio/video live streaming: www.ustream tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.