KUNG isa ka sa inaasahang 15 milyong deboto na lalahok sa Pista ng Itim Na Nazareno, narito ang ilang dapat at hindi dapat gawin upang matiyak ang iyong kaligtasan sa Traslacion.
Dapat gawin
- Magsuot ng kumportableng damit at magdala ng pamaypay.
- Magsuot ng diaper para hindi na problemahin ang pag-ihi.
- Tiyakin na may baong tubig at pagkain sapat para sa gagawing prusisyon.
- Tiyakin din na may dalang ID, impormasyong medikal at emergency contact numbers.
- Maghanda rin ng safe exit o lalabasan sakaling magkaroon ng aberya sa prusisyon.
- Pinapayuhan ang mga lalahok na magkaroon ng distansiya sa isa’t isa habang nagsasagawa ng prusisyon.
- Panatiliin ang kali-nisan sa kapaligiran lalo na ang mga daraanan ng prusisyon.
- Tiyakin na magggupit ng kuko sa paa para matiyak na hindi magiging sanhi ito ng pagkakaaksidente o sugat sakaling magkaapakan.
- Magbaon ng maraming pasensiya para sa inaasahang napakatagal na oras na aabutin ng prusisyon.
- Para sa mga magtitinda, magdala ng mga lalagyan ng basura kagaya ng garbage bag para ipunin ang mga kalat sa kanilang pagtitinda.
- Kung hindi maiiwasang dalhin ang mga bata, tiyaking lagyan ng tanda o pagkakakilanlan para madaling makita sakaling magkawalaan.
- Kung nakakaramdam ng pagkahilo o masama ang nararamdaman, magpahinga at humingi ng paunang lunas sa mga itinakdang emergency responders.
- Magkaroon ng disiplina sa pagpila kung nais na makapunas o makahalik sa imahe ng Itim Na Nazareno.
Di dapat gawin
- Huwag nang isama o lumahok sa prusisyon ang mga bata, buntis, may kapansanan, mga may sakit at mga matatanda.
- Umiwas sa panunulak at pakikipagbalyahan para maiwasan ang hindi inaasahang insidente.
- Huwag magkalat o magtapon ng basura sa kapaligiran. Ibulsa ang mga pinagkainan o itapon sa tamang basurahan.
- Huwag magsuot ng mga matutulis na bagay na makasusugat sa iba, sakaling magbanggaan.
- Huwag nang magdala ng backpack na kailangan pang inspeksyunin ng mga otoridad.
- Huwag nang magdala ng cellphone at mamahaling gamit na madaling manakaw.
- Iwasan ang pagsusuot ng mga alahas na takaw-mata sa mga kawatan.
- Huwag nang tangkain na makalapit sa Itim Na Nazareno o sumakay sa andas para lamang makahaplos o makahalik sa Poon.
MOST READ
LATEST STORIES