NATURAL lang na sa umpisa pa lang ng kanyang pagkakatalaga bilang bagong board member ng MTRCB ay manega agad-agad si Mocha Uson. Kinukuwestiyon ang kanyang kredibilidad, ano raw ba ang karapatan niya, ano raw ba ang magagawa niya sa ahensiyang nagpapalaganap ng mga alituntuning dapat sundin ng mga prodyuser ng pelikula at telebisyon?
Lalong naging nega ang dating ng dating sinasabing porno performer ng entablado nang buong-ningning niyang isigaw na susuyurin daw niya ang malalaking network na nagpapalabas ng mga matatawag na soft porno sa kanilang mga teleserye.
Sabi nga ng kaibigan naming propesor habang nakataas ang kilay, “Huuuuwwwwaaaatttt???? Si Mocha ba talaga itong pinanonood kong nagsasalita tungkol sa mga soft porno sa serye?
“Hello! Painumin n’yo nga ng kape ang babaeng ito, kinakapos siya sa nerbiyos! Ano ba ang akala ng babaeng ito, regalo siya ng langit sa MTRCB para sa umpisa pa lang, e, ganyan na agad ang postura niya?
“Mahiya nga siya sa mukha niya! Kahit pa sinasabi niyang nagbago na siya, e, ang dating image pa rin niya ang nakatatak sa utak ng publiko!
“Magtigil nga siya! Hello at isa pang heeeelllloooo!!!!” imbiyernang komento ni prop.
Madaling maunawaan ang punto ni prop at ng napakaraming tumututol sa appointment ni Mocha Uson bilang board member ng MTRCB. Nasa atake nga lang naman ‘yun.
Sumosobra kasi ang lakas ng dating ni Mocha. Sa pakiramdam kasi ng singer na ito na kulang na lang na maghubad nu’n sa entablado para makuha ang atensiyon ng publiko ay siya na ang makapagpapabago sa mundong pinasukan niya.
Konting hinay-hinay lang kasi!