Coco inalok na tumakbong pangulo

COCO MARTIN

COCO MARTIN

KUMPIRMADO! Inalok nga ang Teleserye King at Box-office star na si Coco Martin na tumakbong pangulo ng Actors Guild of the Philippines.

Mismong ang incumbent president ng AGP na si Rez Cortez ang nag-offer kay Coco ng nasabing posisyon, ngunit marespeto niya itong tinanggihan.

“Ang sinasabi ko, natatakot ako baka hindi pa ako handa. Kasi kilala ko ang sarili ko, hindi ko papasukin ang isang bagay kung wala naman akong magagawa. Siguro kung ready na ako, pupuntahan ko ‘yan. Pero ngayon, gusto ko ay dahan-dahang makatulong sa mga kasamahan natin dito,” ang paliwanag ni Coco nang makapanayam siya ng ilang miyembro ng entertainment press sa pa-thankgiving niya for the press dahil nga sa tuluy-tuloy na blessings na natatanggap niya.

Siniguro naman ng aktor na patuloy niyang susuportahan ang industriya ng telebisyon at pelikula sa abot ng kanyang makakaya, “Ang magagawa ko lang po sa ngayon ay sumuporta, kung anuman po ang maitutulong ko sa kanila.”

Isa sa mga ginagawang pagtulong ni Coco sa mundo ng telebisyon ay ang pagkuha sa mga artistang matagal nang walang trabaho para sa numero unong teleserye nilang Ang Probinsyano na mahigit isang taon na ngayong umeere sa Primetime Bida ng ABS-CBN kasama pa rin sina Yassi Pressman, Onyok Pineda, Awra Briguela, Ms. Susan Roces at marami pang iba.

Tungkol naman sa mga kontrobersyang bumabalot sa katatapos lang na MMFF 2016, naniniwala si Coco na matagumpay pa rin ang taunang festival.

Pero para sa kanya, sana raw ngayong taon, “half-half” ang maging sistema, “Personal po ito, kung part ako ng MMFF, ang gusto ko pong mangyari, half. May apat na mainstream at may apat na indie films.

“Bakit po? Para po sa akin, ang pagbabago, hindi bigla-bigla. Dapat dahan-dahan. Kasi pag binigla mo ang pagbabago, magre-react ang maraming tao.

“Para sa akin, ang paggawa ng pelikula o soap opera, dapat i-consider mo kung sino ang manonood,” aniya pa.

Inamin din ng Teleserye King na ipinagdasal niya na sana kahit daw ang “Enteng Kabisote 10” ni Vic Sotto na lang daw ang makapasok sa MMFF 2016 para kahit isa ay may mapanood ang mga bata. Tulad ng pelikula ni Bossing, hindi rin kasi nakapasok sa Magic 8 ang “The Super Parental Guardians” nila ni Vice Ganda na kumita ng halos P600 million sa takilya.

“Honestly, pinagdasal ko, sana yung ‘Enteng’, makapasok. Para may natira na isa sa amin. Para at least may pambatang isa. Although may pambata naman, yung ‘Saving Sally.’

“Nasasabi ko ito base sa nararamdaman ko at opinyon ko. Wala po akong sinasabing mali. Ang sinasabi ko lang po, sana dahan-dahan,” sey ng aktor.

Promise naman ng binata, “Ang plano ko talaga, sinabi ko sa sarili ko, gagawa ako ng pang film festival. Yun ang pangarap ko. Basta every December, gagawa ako ng pelikula para sa mga bata.”

Ngayong 2017, mas lalo pa raw pagbubutihin ng Idolo Ng Masa ang kanyang trabaho. Abot-langit pa rin ang pasasalamat niya sa madlang pipol na walang sawang sumusuporta sa FPJ’s Ang Probinsyano at sa lahat ng nanood ng “Super Parental Guardians” na lumikha na naman ng record sa history ng Philippine movies.

Ito na kasi ang itinuturing na highest grossing Filipino film of all time matapos kumita ng kulang-kulang P600 million.

Pero alam n’yo ba na sa kabila ng kanyang kayamanan, isang bike lang ang regalo ni Coco para sa kanyang sarili bilang remembrance sa kinita ng kanyang pelikula.

“Bike. Kasi pangarap ko lang kasi pag umaga tatakbo, mag ba-bike ganun, yung mabigyan lang ako minsan ng isang araw na magawa ko yung mga simpleng bagay na yun, masaya na ako,” chika ni Coco.
Para sa aktor, mas magandang regalo ang ibinigay ng mga fans nila ni Julia Montes sa kanyang rumored girlfriend na siyang tumulong para makita uli nito ang kanyang German father. “Matagal ng pangarap ni Julia yun e, talagang yun yung kulang sa buhay niya, biruin niyo 21 years tapos never niya pang na meet ang daddy niya. Finally nabalitaan namin through sa fans namin, sila gumawa ng way, sila ang humanap,” pahayag ng aktor.

Naluha pa nga raw siya sa sobrang tuwa nang mabalitaan ang pagtatagpo ng mag-ama, “Siyempre po napakasarap sa pakiramdam. Sabi ko nga parang nakita ko nga lang yung mga pictures doon sa IG (Instagram) parang naiiyak na ako kasi alam ko kung gaano kahalaga yun para sa kanya noong time na napagkukuwentuhan namin ‘yun, kaya happy ako para sa kanya.”

Read more...