PH hockey team asam ang medalya sa Asian Winter Games

TANGKA ng Philippine Ice Hockey Team na makasungkit ng medalya sa Division-3 sa pagsabak nito sa 2017 Asian Winter Games sa Pebrero 17 hanggang 27 sa Sapporo, Japan.

Nakahanda na ang 23-kataong Philippine team sa malaking kumpetisyon ayon kay team manager at assistant team captain Francois Gautlier.

Ipinaliwanag ni Gautlier na maski bagong kasapi pa lang sa World Ice Hockey Federation at wala pang ranking ang mga Pinoy na ka-bracket sa mababang division ay tiwala siyang makakagawa sila ng ingay sa nalalapit na paglahok sa kada apat na taong kompetisyon.

Ito ang unang pagkakataon na sasabak ang ice hockey sa torneo habang isa rin ito sa regular na medal sports na paglalabanan sa nalalapit na 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19 hanggang 31.

Inaasahang 10 bansa ang kalahok sa third division na hahatiin sa dalawang grupo.

Kasama ng Pilipinas sa Group A ang Bahrain, Kuwait, Qatar at Kyrgyztan.

Nasa pinal na yugto na ang paghahanda ng Nationals na naging aktibo sa mga internationals at friendly competitions sa nagdaang taon bilang paghahan4da sa Asian Winter Games.

Ipatutupad ang round robin elimination at ang mangungunang bansa sa bawat grupo ang maglalabu-labo para sa gold medal habang ang mga second placers ang mga maglalaro para sa bronze.

Apat na sports kabilang ang ice hockey ang sasalihan ng bansa sa quadrennial event. May 29 atleta ang ipapadala ng Pilipinas, 23 sa ice hockey, apat sa figure skating at tig-isa sa snowboarding at speed skating.

Read more...