Makakaresbak ang NLEX

THINGS do go extremely worst before they eventually get better.

Tila ang kasabihang iyan ay saktong-sakto para sa NLEX Road Warriors na nasalampak sa huling puwesto sa PBA Philippine Cup.

Aba’y matapos na maungusan ang Alaska Milk sa overtime sa kanilang unang laro sa season, hayun ay nagkasunud-sunod ang kabiguang dinanas ng koponang ngayon ay hawak ni coach Joseller “Yeng” Guiao.
Mataas pa naman ang expectations ng lahat mula sa management, manlalaro at maging ng mga fans matapos na makuha ng Road Warriors si Guiao buhat sa Rain or Shine.

Sino ba naman ang hindi mae-excite, e multi-titled coach si Guiao. Ikatlo siya sa winningest coach ng PBA. At lahat ng tatlong teams na hinawakan niya sa PBA ay nabigyan niya ng kampeonato. Hindi lang isa ha. Ang pinakamababang bilang ay dalawa!

So siyempre, asam ng NLEX na magkakampeon din sila eventually.

Pero imbes na pumaimbulog kaagad ang Road Warriors tulad ng inaasahan ng iba ay sumadsad sila. Biruin mong matapos na maungusan ang Aces ay tinambakan ng limang koponang nakaharap ng NLEX ang Road Warriors.

Kung iba lang itong si Guiao ay malamang na nag-panic na ito. Malamang na baguhin muna nito ang kanyang sistema upang makuha kaagad ng kanyang mga manlalaro. Malamang na himasin niya nang katakut-takot ang mga players upang pasunurin sa gusto niya.

Pero hindi ganoon si Guiao, e. Kailangang sundin mo ang gusto niya. Hindi siya ang mag-aadjust para sa kanyang mga manlalaro. Ang kanyang mga manlalaro ang kailangang sumunod sa gusto niya.

E sino ba naman ang magrereklamo sa isang winning coach. Hindi naman siya basta-basta!

Isa sa tila sumubok sa katatagan ni Guiao ay ang superstar na si Paul Asi Taulava na bago humiwalay ang 2016 ay humingi sa presidente ng NLEX na kung puwede ay ipamigay na lang siya.

Ang bawi ni Guiao, “Okay.” Payag agad ito na makipag-usap ang NLEX sa ibang teams na naghahangad sa serbisyo ni Taulava hinggil sa trade.

Pero nang mahimasmasan si Taulava, sinabi nitong mananatili na lang siya sa NLEX at hintayin na lang daw na umayos ang kanyang mga minor injuries at ang pananakit ng ulo niya.

At bilang sagot naman ni Guiao ay sinabi nitong hahanapan niya at ng coaching staff ng paraan upang maging epektibo pa rin si Taulava kahit pa kakaunti lang ang kanyang playing time.

Sa totoo lang, para rin naman kay Taulava ang lahat, e. Pabor na pabor sa kanya iyon. Biruin mong hindi siya malalaspag sa laro at hindi mababangga nang mababangga. Tatagal ang kanyang playing years sa PBA. Imbes na dalawang taon na lang siya pakikinabangan, aba’y baka puwede pang limang taon.

So, kung bumagsak na sa kailaliman ang NLEX ngayon, wala na silang ibang puwedeng puntahan kundi paitaas naman.

Hintayin na lang natin kung kailan magsisimula ang pagresbak ng NLEX.

Read more...